Sunday 10 May 2015

PILIPINAS: ANG PERLAS NG SILANGAN

            Kilala ang Pilipinas sa buong mundo dahil sa taglay nitong kagandahan sa aspekto ng yamang natural, mula sa mga anyong lupa, anyong tubig, mineral, mga hayop, halaman at iba pa. Ilan nga sa yamang likas na ito ay kinilala at binigyang karangalan na sa buong mundo bilang katangi-tangi o nag-iisa sa buong daigdig. Hindi maikakaila na kahit ang ating bansa ay isa lamang maliit na pulo, marami pa ring yamang natural ang dito lamang matatagpuan. Batid ang mga angking yamang natural na ito sa dokumentaryong inilahad ng “Planet Philippines,” sa kanilang layunin na tuklasin pa ang mga hindi pa gaanong lantad at natutuklasan na likas na yamang taglay ng ating bansa. Kaya hindi maitatanggi kung bakit ang Pilipinas ay tinaguriang “Perlas ng Silangan.”

            Sa dokumentaryong “Planet Philippines,” inilahad nila ang mga organismo, hayop at halaman na tanging dito lamang matatagpuan sa Pilipinas at ang nanganganib nitong pagkaubos dahil sa pang-aabuso ng mga tao sa mga likas na yaman na ito. Ang tao ang tanging may kakayahang mangalaga sa mga yaman ng kalikasan at tao rin ang isa sa panganib na maaaring makasira dito. Sa patuloy na pagkakalbo ng kagubatan, sa walang-awang panghuhuli at pagpatay sa mga hayop, sa labis na paggamit ng mga yamang likas, polusyon at irresponsableng pagtatapon ng basura, tiyak na darating ang panahon na ang ating mundo, ang lunan kung saan nahubog ang ating pagkatao at ng ating mga ninuno ay magiging isa na lamang kuwento sa mga susunod pang henerasyon. Darating ang panahon na ang ating kalikasan na noo’y napakaganda ay maglalaho na lamang na parang bula. At ang mga pangmamalupit nating ito sa ating mga yamang likas ay doble pa ang balik sa ating mga tao. Sa kasalukuyan, unti-unti nang naniningil ang kalikasan sa ating pagkakautang sa kanila. Sa mga sunod-sunod na malalakas na bagyong dumarating sa ating bansa, sa mga pagbabaha, sa mga pagguho ng lupa, sa mga tsunami at paglindol na ating nararanasan. Ganti na kaya ito ng kalikasan sa ating kalupitan?


            Panahon na upang mamulat ang ating mga mata sa realidad. Protektahan natin ang ating likas na yaman habang may panahon pa. Habang may natitira pa sa mga nalalabing uri ng mga organismo, hayop, halaman, puno at iba pa. na nasa kritikal nang lebel. Huwag sana nating pairalin ang katigasan ng loob at kawalan ng pakialam sa kalikasan. Alalahanin natin na utang na loob natin sa kalikasan, ang ating tirahan, pagkain, damit, at iba pa. Paano kaya ang ating buhay kung walang mga puno’t halaman sa ating paligid, kung puro gusali at sasakyan ang ating nakikita? Paano na kaya kung sa halip na isda ang ating nakikita sa ilog at dagat ay mga naglulutangang basura ang naroon? Alagaan natin ang ating kalikasan, hindi lamang para sa atin kundi para rin sa mga tao sa susunod pang mga henerasyon. Ipatamasa rin natin sa kanila ang malinis na simoy ng hangin, ang luntiang kagubatan, ang naglalakihang isda sa karagatan at munting isda sa mga ilog at batis at ang ganda ng mga ibon sa himpapawid. Ang pangangalaga sa kalikasan ay hindi nagagawa sa isang araw lamang, ito ay dapat nagpapatuloy araw-araw. Hindi tayo Diyos na kayang lumikha ng mundo sa loob ng pitong araw, kaya alagaan natin ang kaniyang mga nilikha. Mahalin natin ang mundo gaya ng pagmamahal natin sa ating sarili. 

No comments:

Post a Comment