Sunday, 10 May 2015

Fallen 44: Ang Buhay na Alay sa Bayan

Ang Buhay na Alay sa Bayan
Christian Albert B. Badian

   
            “Adios patria adorada, del region del sol querida.” Alin nga ba ang tunay na mahalaga ang buhay ng tao o ang kapayapaan sa bayan? Ano kaya ang ibubunga kung ang dalawang magkapatid ay patuloy na maggigirian? Sa ‘di mapigil na karahasan sa ating bansa, makakamit pa kaya natin ang inaasam na pagkakaisa? O mananatili na lamang itong isang pangarap na kailanman ay hindi matatamasa. Bago ko simulan ang aking paglalahad, hayaan muna ninyo akong batiin kayo, aking mga tinatanging kamag-aral sa pamantasang ito, at aking ginagalangang guro ng isang mapagpalang gabi.

            Kabi-kabila ang kaguluhan na nagaganap sa ating bayan. Putukan doon, pagsabog dito. Patayan doon, patayan dito. Hindi man lamang nila isinaalang-alang ang mga inosenteng sibilyan na nadadamay sa kanilang pagbabakbakan. Nakakaawa na kahit ipinaglaban ng ating mga bayani, ang pagkakaroon ng kasarinlan at pagkakaisa sa ating bayan, ay hindi pa rin ito nababatid sa ating mga Filipino. Nasayang nga lang ba ang pagsasakripisyo at pagbubuwis ng buhay ng ating mga bayani? Noon pa man, hindi na mapigil ang bakbakan ng mga militar at rebelde sa Mindanao at sa ilang karatig na pulo. Pinatunayan na ito ng maraming bilang ng mga nabihag, nasawi at pinaslang ng mga rebelde. Ngayon muli na namang namulat ang ating mga mata sa ganitong kaganapan, ng kamakailan lamang naibalita ang walang-awang pagpatay sa 44 na pulis na naghahangad lamang ng kapayapaan at kaligtasan sa ating mga mamamayan. Ilan sa inyo ang nagsasabing, napakawalang-puso naman ng mga MILF, ilan nama’y nagsasabing lipulin na ang MILF/ BIFF at pasabugin na ang Mindanao. Ganoon kadali para sa inyo ang makapagsabi ng ganitong mga bagay. Ika nga’y “madaling sabihin, mahirap gawin”, “puro ka dada, wala ka namang ginagawa.” Akala ng mga Filipino, ganoon lamang kasimple ang pagpaplano at pagsasagawa ng pagsalakay sa kuta ng MILF. Hindi pa tayo nasasadlak sa ganoong sitwasyon, kaya madali para sa atin ang sabihin ang mga bagay na ito. Ngunit, kung ating tatanungin ang ating kapulisan at militar, isa lamang ang sasabihin nila, mahirap itong gawin at isakatuparan. Kahit sabihin man nating ang ilan sa kanila ay kalaban ng pamahalaan, kailangan pa ring alalahanin na may mga inosenteng buhay ang maaaring madamay. Tayo ay magkakapatid at hindi angkop sa magkakapatid, ang bigla na lamang nagpapatayan dahil lamang sa isang dahilan na maaaring masolusyunan sa mapayapang pamamaraan.

            Ako man ay nasaktan ng aking marinig ang malupit na kinahinatnan ng mga tagapagtanggol ng ating minamahal na bayan. Subalit, alam ko sa aking sarili na hindi sagot ang dahas na hinihingi ng ilan sa inyo, sa isa ring marahas na pinagmulan. Masakit makakita ng mga Ina na nagpapalahaw ng iyak sa ibabaw ng kabaong ng kanilang pinaslang na anak. Masakit makakita ng mga amang nawalan ng anak na magpapatuloy sa kaniyang nasimulan. At mas lalong masakit makakita ng mga kapatid na tanging umaasa lamang sa kanilang Kuya/Ate upang matupad nila ang kanilang pangarap. Kailan ko kaya makikita ang ating bayan na nagkakaisa ang lahat ng mamamayan saan mang dako ng kapuloan. Hindi namamayani ang takot at tensyon saan mang lugar ako pumunta. Kailan kaya ako makakapunta sa mga tagong bahagi ng Mindanao at maging sa mga liblib na bulubundukin na hindi nangangamba para sa aking kaligtasan. Kailan nga kaya?

            Ang kabayanihan ay hindi lamang maipapakita sa pamamagitan ng pagbubuwis ng buhay. Maraming paraan upang maituring natin ang ating sarili bilang isang bayani. Sa simpleng paraan tulad ng pagtutulungan, pagkakaisa at pagmamahalan, masasabi nating isa tayong bayani. Alalahanin natin na hindi sukatan ang pagbubuwis ng buhay para maituring na bayani. Si Cory Aquino, ay hindi nagbuwis ng kaniyang buhay para ituring na bayani. Itinuring siyang bayani dahil sa pagsulong niya ng demokrasya at kalayaan sa ating bansa. Ang atin ding mga sinasaluduhang OFW (Overseas Filipino Workers) na nagsasakripisyo, nagpapakapagod at nagtitiis na mangulila sa mga minamahal na naiwan sa ating bayan.  Labis man ang pangungulila ay ayos lang, sapagkat batid nilang ito’y para mabigyan ang pamilya ng magandang kinabukasan. Ikaw, handa ka bang ialay ang buhay mo para sa bayan?

          
(talumpating inilahad ni Christian Albert B. Badian sa Pamantasang Ateneo de Naga noong ika-21, Marso, 2015)

No comments:

Post a Comment