Sunday, 10 May 2015

Pilat sa Pilak ni Eugene Y. Evasco
Isang Pagsusuri ng mga Personal na Sanaysay

Christian Albert B. Badian


Panimula

            Layunin ng pagsusuring aklat ang malimi at makilala ang mga naging kalakasan maging ang kahinaan ng isang limbag na aklat. Sa pagsusuring ito, nahihimay-himay ng isang tagapagsuri ang mga salik kung bakit ito naisulat ng may-akda. Kailangang magkaroon ng mga pagsusuri sa mga limbag na aklat upang magkaroon ng kabatiran ang manunuri hindi lamang sa pagkakabuo ng aklat kundi maging sa buhay at interes ng may-akda. Sa pagsusuring aklat na ito ating bibigyang-tuon ang mga naging pamamaraan ng may-akda na si Eugene Evasco, upang maisulat niya ang koleksiyon ng mga personal na sanaysay na ito. Tutukuyin din natin kung ano-ano ang mga naging salik upang maituring ito bilang isang obra at kung bakit ito ginawaran ng ‘di mabilang na pagkilala at parangal.


Kaligiran ng Aklat

Ang “Mga Pilat sa Pilak” ay isang limbag na aklat ni Eugene Y. Evasco na naglalaman ng kalipunan ng kaniyang mga personal na sanaysay. Sa mga personal na sanaysay na ito mababakas ang naging pakikipagsapalaran sa buhay ng may-akda. Ang aklat na ito rin ay naglalaman ng mga personal na sanaysay ni Evasco na nagkamit ng hindi mabilang na gantimpala at pagkilala. Una na nga rito ang pinakamalaking pagkilala na maaaring makamit ng isang akdang pampanitikan sa Filipinas, ang “Don Carlos Palanca Memorial Award” kung saan nakuha nito ang unang gantimpala para sa Sanaysay noong 2001.  Nailathala at naipresenta na rin ang ilan sa sanaysay na ito sa iba’t ibang palimbagan tulad ng mga Magazine, Journal at Talumpati.

Masasabi kong, isa ito sa mga aklat at mga likhang pampanitikan na maituturing kong “Obra Maestra” sapagkat nagtataglay ito ng diwa at himig na bihirang makita sa mga sanaysay noon at ngayon. May kakaibang pamamaraan ang may-akda sa paglalahad niya ng kaniyang mga idea o kaisipan sa bawat sanaysay. Kumbaga sa isang inumin, “may kakaibang guhit na taglay” ang mga sanaysay na ito.

Pagsalat sa Pilak


          Mababakas sa aklat na ito ang malayang pamamaraan ng paglalahad ng may-akda. Bilang nasa unang panauhan ang karamihan sa kaniyang mga katha, maituturing ko ito bilang isang katha na parang nakikipag-usap sa kaniyang mga mambabasa. Naging malikhain ang paraan ng paglalahad ng may-akda sa kaniyang mga idea o kaisipan. Iniugnay niya ang bawat idea sa kaniyang mga personal na karanasan, partikular sa kaniyang buhay bilang isang anak, kapatid, katipan, guro at mamamayan ng ating bansa. Sa tulong ng mga pag-uugnay na ito, maayos na nabibigyang-buhay ng may-akda ang mga kaisipan na nais niyang malinawan sa mga mambabasa. Mainam ang naging pag-uugnay ng may-akda sa mga naging karanasan niya mula sa kaniyang kamusmusan hanggang makamit niya ang mga pangarap na kaniyang inaasam. Mababatid din sa mga sanaysay ng may-akda ang paglalapat niya ng mga ngangayuning paksa. Hindi bumatay ang may-akda sa mga paksa at usapin na nabaon na sa limot bagkus binigyan niya ng mga kasalukuyang usapin at paglalarawan ang kaniyang mga kaisipan. Dahil dito, madaling naiugnay ng mambabasa ang mga kaisipan at idea sa kaniyang buhay sa pamamagitan ng mga sitwasyon na binanggit ng may-akda. Ika rin ng isa sa mga tagapagsuri ng aklat, ito ay ngangayunin subalit panghabampanahon. Partikular man ang tuon ngunit unibersal ang tema.

Hindi rin naiwasan ng may-akda ang gumamit ng mga panunuligsa sa mga sanaysay. Dalawang paraan ang ginamit na panunuligsa sa mga sanaysay. Una, paggamit niya ng mga simbolismo sa panunuligsa. Sa paggamit niya ng mga simbolismo, malinaw niyang binatikos ang mga tao na naging dahilan kung bakit niya dinanas ang hirap sa kaniyang buhay at sa mga pagkakataong naging lunan at inspirasyon ng may-akda upang mabuo niya ang bawat sanaysay. At ang ikalawa ay ang tuwirang panunuligsa, ilan lamang sa mga ginamitan ng may-akda ng mga tuwirang panunuligsa ay ang mga katha niyang “Agaw-buhay” at “Kilometro Zero ng Isang Lagalag na taong-Bahay.”


I.   Mga Pilat sa Pilak

Estilo:

Palagayan ang paglalahad ng may-akda sa mga detalye ng kaniyang sanaysay na ito. Linapatan niya ito ng mga nakakatuwang pangyayari na naganap sa kanilang pamilya. Naglahad din ng kaniyang mga paghihinanakit o himutok ang may-akda sa kaniyang mga magulang at sa buhay na kanilang naranasan. Minsa’y nagtanim ng poot ang may-akda sa kaniyang mga magulang ngunit sa halip na paghihiganti ang kaniyang iginawad ay inalala niya na lamang ang mga mabuting dahilan ng kanilang magulang kaya nila ito nagawa. Ibinulalas ng may-akda ang mga bagay na ipinagkait sa kaniya mula sa kaniyang pagkabata. Inihambing niya ang kaniyang sarili sa isang “batang nawalan ng sariling kabataan.” Sa sanaysay na ito, hindi lamang binalikan ng may-akda ang kaniyang buhay mula sa kaniyang kamusmusan hanggang sa pagtanda, kundi maging ang pinagmulan ng kaniyang mga magulang, ang kanilang mga karanasan mula pagkabata hanggang sa makabuo sila ng pamilya. Tila isang “diary” o talambuhay ang sanaysay na ito ng mga nakalimbag na karanasan ng may-akda at ng kaniyang pamilya. Gumamit din ang may-akda ng paghahambing sa buhay nilang pamilya niya noon at sa kasalukuyan.

Tumatak na Linya:

“Nakakalungkot at hinagkan lang ng alikabok ang mga kasangkapang iyon at nang minsang sinubukan naming gamitin ay ayaw nang gumana.”

v   Ilinalarawan sa pahayag na ito ang mga bagay na napaglipasan na ng panahon at nang dumating na ang pagkakataon kung saan kailangan na itong gamitin ay hindi na mapapakinabangan. Ang mga bagay na nagdaan kapag muling binalikan ay maaaring hindi na kasingganda at kakulay tulad ng una natin itong makita. Mabakas man ang panghihinayang sa mga bagay na ito, kailangan nating matutong magpalaya at makalimot.

           “Nakalipas na ang panahon ng kirot at pasakit. Haharapin ko ngayon ang kasalukuyan. Dahil ako ang nakakaunawa at nakababatid, ako ang dapat gumawa ng paraan upang ituwid ang mga pagkakamali sa maayos na paraan.”

v   Tapos na ang panahon ng pagpapakasakit. Panahon na upang muling bumangon sa sinapit na pagkakalugmok. Bilang may mas kakayahan upang maituwid at bumangon sa pagkakalugmok na ito, tayo na ang mamuno sa muling pagbangon. Tayo na ang magpamulat sa iba kung alin ang tama at mali.

Damdaming Nangingibabaw:

       Lantad sa mga pahayag ng may-akda sa sanaysay na ito ang mga himutok na kaniyang nararamdaman sa mga magulang. Sa halip na magtanim siya ng sama-ng-loob sa kaniyang mga magulang ay inunawa niya na lamang ang mga ito at inalala ang mga mabuting karanasan kasama ang buo nilang pamilya. Kahit may mga bahagi ng sanaysay na naglalahad ng mga hinaing, may mga bahagi pa rin na lubhang nakakatuwa dahil sa paglahok ng mga kakatuwang karanasan ng may-akda kasama ang kaniyang pamilya.

II. Dalaw

Estilo:

         Paglingon sa pinag-ugatang pamumuhay mula sa makipot, mainit at maingay na Maynila hanggang sa paglipat sa bagong tahanan sa kanayunan. Ilinahok din ng may-akda ang kaniyang mga ‘di malilimutang karanasan sa Maynila, inaalala niya ang mga sandali sa buhay ng kanilang pamilya sa likod ng maingay na lungsod at inihambing ito sa kanilang buhay sa bagong bahay na nilipatan sa Antipolo. At ang paglalahad ng may-akda sa gagawing pagsisimula ng bagong yugto ng kanilang buhay sa isang bagong tahanan sa Antipolo.

Tumatak na Linya:

          “Anuman ang pagkamingaw sa lumang tahanan, kailangan ko nang harapin ang hamon: may bago na kaming tahanan.

v   Ipinapaalala nito na kahit gaano man natin gustong balikan ang nakalipas ay hindi na natin maaaring magawa. Kailangan nating magpatuloy sa ating buhay. Ang mga ito ay mananatili na lamang sa ating alaala at ang pagharap sa mga bagong hamon na ating bubunuin ang kailangan nating bigyan ng tuon sapagkat dito tayo bubuo ng mga bagong alaala sa ating buhay.

Damdaming Nangingibabaw:

            Pangungulila sa dating lunan kung saan hinubog ang kaniyang pagkatao at kung saan siya namulat sa mga tunay na pangyayari sa ating paligid. Itinuturing din ng may-akda na isang turista ang kaniyang sarili sa bagong tahanan. Tila mga bagong magulang ang kaniyang kinakaharap sa bagong tahananang ito. Nakakaranas siya ng pagkamingaw sa mga bagay na kinagsinan mula sa kaniyang pagkabata dahil kailanman ay hindi niya na ito muling magagawa o mararanasan sa bagong bahay ng kaniyang pamilya sa bayan ng Antipolo.

III.                Ang Pagtatapon ng mga Kasangkapan

Estilo:

          Sa paglalahad ng may-akda sa kaisipan ng kathang ito, ginamit niya ang mga nasira, unti-unting nasira at hindi man lamang nagamit na kagamitan bilang simbolo ng buhay ng tao. Iniugnay niya ang mga kasangkapang ito sa kanilang buhay, kung saan lahat ng tao sa mundo tulad ng mga bagay ay darating ang panahon kung saan kailangan na nitong mamahinga at magpaalam. Ginamit niya ang mga kasangkapang ito upang muling gunitain ang kaniyang buhay noong panahon na nagsisimula pa lamang siya at ang kaniyang pamilya sa Maynila.

Tumatak na Linya:

          “Kaya nga magandang panuntunan sa buhay na habang gumagana ang kasangkapan, pakinabangan. Gamitin nang lubos. Huwag itatabi sa isang sulok.
v   Nais ipabatid ng may-akda sa kaniyang mga mambabasa na matutong pahalagahan ang mga bagay na mayroon sila. Gamitin at huwag lamang ipagsasantabi ang mga bagay na ito sapagkat baka dumating ang pagkakataon na nais na natin itong gamitin ay hindi na natin magawa dahil ito ay nasira na.

“Paglaon, hihigpit ang kapit mo sa isang bagay. Halos magiging bahagi na ito ng iyong katawan.”

v   Binigyang-tuon ng may-akda sa sanaysay na ito ang pagiging sentimental ng tao o ang labis na pagpapahalaga niya sa mga bagay na kaniyang pag-aari. Ika nga, mahirap ang “maglet-go” sa mga bagay na lubos na mahalaga para sa atin. Lubos nating dadamdamin at tayo’y makadarama ng sakit pagdating ng panahon na kailangan na natin itong ibaon sa limot o itapon.

Damdaming Nangingibabaw:
Dito pinagnilayan ng may-akda kung bakit napakahirap para sa isang tao na magtapon ng mga sirang kagamitan gayong wala na naman itong silbi o hindi na ito kailanman magagamit. Nagtatanong ang may-akda kung bakit mahirap para sa kaniyang mga magulang na itapon ang mga kagamitang wala na namang silbi o halaga. Ang mga tao ay may sentimental na pagpapahalaga sa mga bagay na naging katuwang na nito sa kanilang buhay. Mahirap pakawalan ang isang bagay na naging bahagi na ng ating buhay.

IV.   Mga Selyo at Libro

Estilo:

            Inilahad sa sanaysay na ito ng may-akda ang kuwento ng pagkahilig niya sa pangongolekta ng mga selyo mula sa iba’t ibang tao, tanggapan at bansa. Inilahad niya sa malikhaing paraan kung ano ang proseso na kaniyang ginagawa upang maayos na maalis ang selyo mula sa mga sobre at kahon na hindi napupunit o nasisira. Subalit, nahinto ang pagkahilig niyang ito dahil sa pagpipigil ng kaniyang mga magulang. Ihinambing niya ang pagkahilig niya sa pangongolektang ito ng mga selyo, noong kaniyang kabataan at ngayong tumanda na siya. Ilinarawan din ng may-akda kung paanong unti-unting naglalaho ang pagkahilig ng tao sa mga selyo partikular sa pagpapadala ng liham sa koreo dahil sa mga pagbabagong nagaganap sa moda ng komunikasyon. Naging paraan din ang pangongolekta ng selyo ng may-akda upang matukoy niya kung gaano kaunlad ang isang bansa sa aspekto ng ekonomiya, likas-yaman, likhang-sining, estado sa lipunan at maging sa kanilang pakikibaka sa mga bansang nagparanas sa kanila ng karahasan.

Tumatak na Linya:
            “Nakaramdam akong iba na ang sigasig ko sa mga selyo. Hindi na tulad ng dati ang pagkakasabik. Nakalulungkot. Hindi ko alam kong kung paano ibabalik ang dating pagkarahuyo.”

v   Ang isang bagay na kinagisnan at kinahiligan, kapag nahinto ay hindi na katulad ng dati ang sabik na nararamdaman. Sa halip na tayo’y magalak dahil sa muling pagkabuhay ng ating nakaraang interes ay tila nakakaramdam tayo ng kaibahan at kawalan ng saya na dati nating nararamdaman tuwing ginagawa ang kinahiligang ito. “Ang bagay na matagal na ipinagkait kahit anong gawin mong pagbabalik ay hindi na makakamit.”

Damdaming Nangingibabaw:

            Nagkuwento ang may-akda hinggil sa kinahiligan niyang pangongolekta ng mga selyo at pagbabasa ng mga aklat na pambata noong kaniyang kabataan. Subalit dahil pansamantalang nahinto ang pagkahilig niyang ito dahil na rin sa pagpipigil ng kaniyang mga magulang, hindi na nanumbalik ang kakaibang saya at pananabik tuwing ginagawa niya ang ganitong mga gawain. Linukob din siya ng panghihinayang dahil sa unti-unting paglaho ng “snail mail” bilang moda ng komunikasyon dahil na rin sa patuloy na pag-unlad ng teknolohiya sa buong mundo. Ilinarawan din ng may-akda ang kawalan ng pagpapahalaga ng mga Filipino sa isang likhang-sining tulad ng mga selyong ito, bilang simbolo o paglalarawan ng ating bansa. Ayon sa may-akda, hindi marunong ang mga Filipinong magmalaki sa mga likhang-sining sa ating bayan dahil sa maliit pa lamang na paraan tulad ng mga selyo ay hindi nila magawang ilapat ang mga obra ng mga Filipino at yaman ng ating bansa sa aspekto ng sining ng pakikipagkomunikasyon.

V. Pagsalok sa Antigong Balon

Estilo:

            Gumamit ang may-akda ng simbolong “balon” bilang paglalarawan niya sa isang bukal ng karunungan na kinakailangan ng isang manunulat sa pagsusulat. Simbolo ang balon na ito ng sariling pagkakakilanlan ng mga manunulat sapagkat dito nababatid ng mga mambabasa kung saang wika, kultura at pamayanan kabilang ang manunulat. Sa kaniyang paglalahad, nabatid ng may-akda na wala siyang maituturing at maaangking sariling balon sapagkat nakasalalay at sumasangguni lamang siya sa mga katha ng iba pang manunulat. Ilinalapat niya ang mga bagong salitang kaniyang natutuhan mula sa ibang kultura na kaniyang pinuntahan o nabasa subalit hindi niya ito maaangkin at maituturing na kaniya. Tinuklas din niya ang mga probinsiyang pinagmulan ng kaniyang mga nuno subalit wala niisa man dito ang naging pangunahing lunan niya sa pagsusulat.

Tumatak na Linya:

          “Kay tagal kong dinamdam na wala akong sariling balon. Kay tagal kong inasam ang pagtataglay ko ng sariling bukal.”

v   Mababatid sa pahayag na ito ng may-akda ang paghahanap niya ng sariling bukal na mapaghahanguan ng kaalaman at karanasan na kaniyang mailalapat sa mga isinusulat niyang akda.

“Nauubusan na rin ng manamis-namis na tubig ang pansarili kong balon, kung ang depenisyon ng balon ay iyong inaangkin mong uniberso ng sariling karanasan mula pagkabata hanggang kasalukuyan.”

v   Isa sa pangunahing suliranin ng isang manunulat ang kasalatan niya sa mga paksain na matatagpuan lamang sa mga lunang malayo sa pamayanang kaniyang kinabibilangan. Kung patuloy na sasangguni lamang ang isang manunulat sa kaniyang sariling karanasan, sa halip na maging itong isang malikhaing katha ay maibilang na lamang ito sa mga katha na kabilang sa mga talaarawan at journal ng kaniyang buhay.


Damdaming Nangingibabaw:

          Mababakas sa sanaysay na ito, ang paghahanap ng may-akda ng isang balong kaniyang mapaghahanguan ng mga kaalaman at karanasan. Isang bukal na kaniyang magiging inspirasyon sa pagsusulat. Kahit itinuturing niya ang sarili bilang isang manunulat ay batid niya pa rin ang kakulangan na kinakailangan ng isang manunulat upang maging malikhain at kawili-wili ang bawat kathang kaniyang mabubuo. Ramdam niya ang kawalan niya ng sariling pagkakakilanlan sa larang ng pagsusulat. Sumasangguni lamang siya sa kaniyang sariling karanasan, kaalaman, pananaliksik at ibang manunulat, subalit ang natural na balon ng kaniyang pagkakakilanlan ay hindi pa niya nasusumpungan.


VI.   Pagtula sa mga Bulaklak

Estilo:

          Binigyang-tuon ng may-akda sa sanaysay na ito ang pag-uugnay ng tao, lipunan at panitikan sa pagbuo ng mga malikhaing katha. Naglahad ang may-akda ng ilang sitwasyon kung paano makasusulat ng isang akda ang isang manunulat na nakabatay sa masining na paglalahad ng kaisipan kaugnay ang kaniyang kapaligiran. Tinuligsa rin niya ang ilan sa kaniyang mga naging guro, kung saan pinipilit ang kanilang mga mag-aaral na magsulat sa mga paksaing, hindi angkop at naaayon sa antas ng kanilang kaalaman. Binatikos ng may-akda ang mga taong ito na ginagawang “mensaherong manunulat” o tagapag-ulit ng Kasaysayan ang kanilang mga mag-aaral sa pamamagitan ng muli nitong pagsusulat. Inisa-isa rin niya mga naging sanggunian at karanasan bilang manunulat upang makabuo ng mga kathang malikhain at malalaman partikular sa mga bagay at instrumento ng paglalarawan ng ating kasaysayan bilang Filipino. Tinuligsa rin niya ang mga Filipino sa kawalang pagpapahalaga nito sa mga bagay na nagsasalaysay ng ating kasaysayan (mga buto, artifact/s at mga kagamitan ng ating mga ninuno) na naging instrumento ng may-akda upang mabigyan niya ng linaw ang bawat kathang isusulat ukol sa kasaysayan.


Tumatak na Linya:

            “Batid ko noong umuugong ang alingawngaw hanggang sa maisalin sa aming mga nakababata ang dugo ng naunang henerasyon ng manunulat.”

v   Nawawalan ng sariling pagkakakilanlan ang mga makabagong manunulat dahil sa paggaya nila sa mga katha ng mga naunang manunulat. Hindi na nila nahahasa ang sariling pagkatha. Naging paulit-ulit na lamang ang mga paksaing pinag-uusapan at nawawalan na ng kabaguhan sa mga sulatin ng ating mga makabagong manunulat.

“Batid kong nasa kagampanan ang lamukot ng aking kamalayan: daraanin ko sa maririkit na salita ang talim at talas ng pagsipat sa paligid. Mamumulaklak ang tinig at panatang iyon habang isinasaboy ang mga talutot sa pagi-pagitan ng taludtod ng sariling pagtula at paglikha.”

v   Mahalaga sa isang manunulat ang magkaroon siya ng sariling tinig sa pagsusulat ng kaniyang mga katha. Ito ang nagsisilbing pagkakakilanlan na magbubukod-tangi sa kaniya sa iba pang mga manunulat. Ang pagiging malikhain sa bawat talatang kaniyang isinusulat ang mag-iiwan ng bakas ng pagkakakilanlan kahit sa isang bagong tubong manunulat.

Damdaming Nangingibabaw:

          Gustong makaalpas ng may-akda sa tanikalang mahigpit na nakatali sa kaniya bilang isang manunulat. Nais niyang mamulat ang mga katulad niyang manunulat sa marami pang paksaing kailangang bigyang-tuon sa ating lipunan bukod sa mga paulit-ulit na paksang pinag-uusapan sa mga isinusulat ng mga makalumang manunulat. Panahon na upang mangibabaw ang kritikal at malikhaing pag-iisip ng mga manunulat. ‘Ika nga, panahon na upang “lumabas sa saya” ng mga manunulat ng nagdaang panahon. Nais ng may-akda na magkaroon ng sariling tinig ang mga makabagong manunulat. Nais niyang pagdating ng panahon, makikita niya ang mga kapuwa manunulat na may iba’t ibang estilo o pamamaraan sa pagsulat.

VII. Mga Saranggola sa Tag-ulan: Isang Pag-akda sa Pagkabata

Estilo:

            Masakit para sa isang bata ang ipagkait ang kaniyang kabataan. Ito ang naging daing ng may-akda kaya niya naisulat ang sanaysay na ito. Ikuwenento niya ang mga naging mapapait na karanasan sa kaniyang kabataan. Naglahad siya ng kaniyang mga himutok hinggil sa mga bagay na ipinagkait sa kaniya noong panahon ng kaniyang kamusmusan. Muli niyang inalala ang mga karanasan sa kaniyang pagkabata. Sa kaniyang imahinasyon, ikinubli niya ang isang arketipong batang lalaki, ang naging “alter-ego” ng manunulat hinggil sa pagpaparanas ng mga bagay na ipinagkait sa kaniya noong mga panahong ito. Tila isang multo ng nakaraan na patuloy umuusig sa pagkatao ng may-akda ang malupit niyang kabataan. Bilang isang manunulat na may pagpapahalaga sa mga akdang pambata, binatikos niya ang mga manunulat na isinasantabi at patuloy na nagbabalewala sa sa mga akdang pambata at nagbibigay ng mababang turing sa mga aklat na ito. Naglahad siya ng mga kongkretong detalye ukol sa pagsasantabi ng mga manunulat sa isa ring sining ng pagsulat ng mga akdang pampanitikan. Ihinambing din ng may-akda ang estado ng akdang pambata sa Filipinas at mga akdang pambata sa iba’t ibang panig ng mundo. Nais ng may-akda na mamulat ang mga Filipino sa tunay na aspekto ng kabataan, malayo sa isang huwad na paniniwala na ang bata ay isang miniature adult o isang bersiyon lamang ng matatanda. Isinusulong ng may-akda na pahalagahan ng mga Filipino ang ating kabataan bilang malaking bahagi ng lipunang ating kinabibilangan. At higit sa lahat, hangad ng may-akda na makapagluwal ang ating bayan ng mga manunulat at mambabasa na magtatanggol sa kabataan at sa ating panitikan.

Tumatak na Linya:

          “Pinakamasakit na karanasan sa isang bata ang pagpaslang sa kanilang pagkabata. Tinutukoy ko rito ang panahong inawat na sila sa pagiging bata para magkaroon ng pakinabang sa kanilang mga magulang.”

v   Masaklap na karanasan sa isang bata ang mawalan ng pagkakataon na maranasan ang dapat na ginagawa ng isang bata. Sa Filipinas, talamak ang isyu ng child labor, kung saan sa murang-edad ng ating kabataan ay batak na sila sa mga gawaing pangmatanda. Sa halip na ipasok sa paaralan upang makapag-aral ay isinasama sa bukirin, palengke at iba pa. ang mga bata upang tumulong sa paghahanapbuhay. Nakakalungkot lamang sa tuwing maiisip ko na hindi nararanasan ng isang bata ang mga bagay na naaayon sa kaniyang ninanais. Sana’y dumating ang panahon na makikita ko ang kabataan na malaya at masaya.

“Ang Pagdadalantao ng manunulat para sa bata ang nagbubukod sa mga tao sa lahat ng nabubuhay sa uniberso. Sapagkat tanging tao lamang ang nakapag-aakda ng mga kuwento o nakapagkukuwento para sa kaniyang mga anak. At ito ang dahilan kung bakit tayo may lisensiyang tawaging tao.”

v   Pahalagahan sana natin ang kabataan. Gawin natin ang mga bagay na kanilang ikasasaya. Sa munting paraan tulad ng pagkukuwento ng mga akdang pambata, naipapakita natin sa kanila ang halaga nila sa ating lipunang ginagalawan.

Damdaming Nangingibabaw:

            Nalulungkot ang may-akda dahil sa pagwawalang-bahala ng mga manunulat at mambabasang Filipino sa mga akdang pambata. Nakakalimutan na ng mga tao ang papel na ginagampanan ng kabataan sa ating lipunan. Nanghihinayang siya sa mga bata na pinagkaitan ng kanilang kabataan, kung saan sa kanilang murang-edad ay lantad na sa paghahanap-buhay o pagbabatak ng buto upang makakain lamang ng tatlong beses sa isang araw. Subalit kahit nagkagayon ay naniniwala pa rin ang may-akda na hindi pa huli ang lahat para sa ating kabataan. Kung tayo’y magtutulungan lamang at magkakaisa ay magagampanan natin ang papel natin sa paghubog ng pagkatao ng ating kabataan.

VIII.                Segunda Mano

Estilo:

            Ang paraan ng pagsulat ng may-akda ay nasa anyong paglalarawan. Dito inilarawan niya kung paanong naging tapunan ang ating bansa ng mga basura mula sa ibang bansa. Gumamit din ang may-akda ng mga pamagat at mga bahagi ng isang limbag na aklat kung saan nakasulat ang pinagmulan nito. Higit sa lahat, nasa anyong panunuligsa ang kabuoan ng sanaysay. Dito tuwiran niyang tinuligsa at binigyan niya ng diin ang baluktot na pamumuhay o kinagawiang ito ng mga Filipino, kung saan madalas nating ginagawa ang papasa-pasang paggamit ng isang bagay. Ikuwenento rin ng may-akda ang mga naging bunga ng maling gawaing ito ng mga Filipino, ang epekto nito sa ating ekonomiya, palimbagan at pambansang pakikipag-ugnayan.  Maalwan din ang pagpapahayag dito ng may-akda, malaya siyang humihiram at naglalapat ng mga salitang Ingles upang mas maipahayag ang nilalaman ng kaniyang sanaysay. Inilahad rin sa ilang bahagi ng sanaysay ang pakikipag-diyalogo ng may-akda sa dati niyang kakilala mula sa isang tindahan ng segunda manong aklat. Inilahad rin niya ang hangaring maayos ang bagsak na estado ng pambansang limbagan sa ating bansa.

Tumatak na Linya:

          “Sa aking mapantuklas na kamay, bubuhayin ko ang aklat habang pinalulusog ko ang sariling aklatan…. Matingkad sa aking kamalayan na may iisang dakilang aklatan sa daigdig na sumasabog para ibahagi ang mga aklat sa iba’t ibang dako.”

v  Mahihinuha sa pahayag ang matinding bugso ng damdamin ng may-akda ukol sa pagpapahalaga niya sa mga limbag na aklat na ipinagsawalang-bahala na lamang ng mga may-ari nito. Naniniwala rin ang may-akda na walang masama sa pagtatangkilik sa mga segunda manong aklat sapagkat ito ang isa sa mga tulay upang madaling makipag-ugnayan ang mga tao sa iba’t ibang panig man ng daigdig.

“May buhay ang mga segunda manong aklat. Muli itong binubuhay ng bagong mambabasa, hindi ng may-akda na malaon nang pinaslang sa pagpapalimbag ng kaniyang obra. Nabubuhay ang mga aklat, dumaan man ito sa maraming mga kamay.”

v  Ang mga segunda manong aklat ang nagpapatunay na mayroon tayong pagpapahalaga sa bawat limbag na aklat. Itinuturing natin ang mga pinaglumaang aklat katulad ng ating mga kaibigan at kaanak. Sila ay may espesyal na lugar sa ating buhay at kailanman hindi natin mapapasubalian na naging bahagi ang mga aklat na ito sa paghubog ng ating kamalayan sa iba’t ibang bagay.

Damdaming Nangingibabaw:

            Labis ang panghihinayang ng may-akda sa mga binalewalang obra (aklat) ng mga segunda manong tindahan ng mga aklat. Simbolo ang mga segunda manong aklat at kagamitang ito ng kapabayaan at kawalan ng pagpapahalaga ng mga tao sa gamit na minsan naging katuwang nila at nagpamukha sa kanila ng maraming bagay. Nilinaw rin ng may-akda na hindi kasalanan ng mga segunda manong kagamitan kung bakit sila napunta sa ganoong kalagayan, ang salarin at dapat sisihin sa mga pagbabalewalang ito ay ang mga taong hindi marunong magpakita ng pagpapahalaga sa kanilang kagamitan. Nalulungkot man ang may-akda sa hindi magandang kaugalian ng mga tao, naniniwala pa rin siya na magkakaroon ng panibagong buhay ang mga aklat na minsan ng kinalimutan ng may-ari nito.

IX.   Kilometro Zero ng Isang Lagalag na Taong Bahay

Estilo:

          Bumuo ang may-akda ng sarili niyang daigdig kung saan hinubog niya ang buong pagkatao. Lugar kung saan naging lunan upang maipahayag niya at magkaroon siya ng kalayaan sa kaniyang sarili. Ibinulalas din ng may-akda ang kaniyang mga himutok mula sa kaniyang kabataan. Ang pagturing sa kaniya bilang tila utusan at hindi anak ng kaniyang pamilya. Ikuwenento rin ng may-akda kung paano siya lumayas sa kanilang tahanan dahil sa poot na nararamdaman sa kaniyang pamilya. Tinawag rin itong “zero” ng may-akda dahil ito ang magiging simula ng kaniyang buhay. mula sa wala, kailangan muling bumuo ng mga panibagong alaala. Sa paglalayas na ito, nakadama ng kalayaan ang may-akda. Naging lunan niya ang mga bagong karanasan na hindi niya dating nagagamit sa kaniyang pagsusulat. Sa pagkakaalpas ng may-akda mula sa tanikala na nagkukulong sa kaniyang pagkatao, nagsimula siya ng panibagong buhay, malaya niya nang naipapahayag ang kaniyang sarili, wala nang pagbabalat-kayong nadarama ukol sa kaniyang kasarian. Dito nailantad ang manunulat sa kultura ng mga bakla at panitikan ng mga baklang manunulat. Binatikos niya ang mga katha ng mga baklang manunulat kung saan, nakatuon lamang ang mga katha sa mga paksain ukol sa seksuwalidad, pakikipagtalik, pagdambana sa ari ng lalaki, pagnanasa, erotisismo at iba pa. Inilahad din niya ang layunin na mabago ang pananaw na ito ng lipunan sa mga bakla. Naniniwala siyang hindi lamang limitado sa mga paksain na ito ang kakayahan ng mga bakla sa pagsusulat. Umaasa siya na darating ang panahon na matatanggap at magiging mulat ang ating lipunan sa malikhaing panitikan ng mga bakla. Nagbigay rin siya ng mga payo sa mga manunulat, iba’t iba man ang kasarian ukol sa kung paano gagawing malikhain ang mga katha at makapaglahad ng sariling tinig ng hindi nagiging limitado sa mga gasgas nang paksain.

Tumatak na Linya:

            “Ang tunay na makata, anuman ang paniniwala at kasarian ay yaong makakaigpaw ang sariling sining sa hamon ng pagkapribado; ang makalalagda ng sariling tinig hindi lamang ukol sa katawan, pagnanasa, pag-ibig kundi sa lawak ng maaabot ng katawang nagnanasa at iniibig; ….”

v  Naniniwala ang may-akda na hindi hadlang ang kasarian at paniniwala ng isang tao para makapaglahad siya at makapaglahad siya ng tinig na iba sa mga gasgas ng paksaing ginagamit ng mga manunulat. Bilang isang malayang manunulat, kailangang lawakan niya ang saklaw ng kaniyang pag-iisip at ilahad at talakayin ang mga paksang ngangayunin at magpapakilala sa kaniya bilang isang makabagong manunulat.

Damdaming Nagingibabaw:

            Inilahad sa kathang ito ang nagpupuyos na damdamin ng manunulat ukol sa pagkataong matagal na itinago sa lipunang kinabibilangan. Inilahad ng may-akda ang kaniyang mga himutok sa mga magulang na pumipigil sa kaniyang makadama ng kalayaan sa sarili partikular sa aspekto ng kaniyang kasarian. Umusbong sa tinig ng may-akda ang isang bagong sibol na manunulat. Malaya sa tanikalang humahadlang upang maipahayag niya ang sariling kathain at paniniwala. Hinimok din niya ang mga baklang manunulat na maging bukas sa maraming paksain at hindi nagiging limitado sa mga paksain ukol sa sex, ari ng lalaki, pagnanasa at erotisismo. Nais niyang dumating ang panahon kung saan, makikita at matatanggap na ng ating lipunan ang panitikan ng mga bakla bilang isang likhang-sining.

X. Anatomiya

Estilo:

            Isinalaysay ang nilalaman ng kathang ito sa paunang pagsasalaysay ng may-akda sa gabi ng pagtuklas kasama ang mangingibig. Dito buong pagmamalaking ibinahagi ng may-akda kung paano nila isinagawa ang tagpong ito sa kanilang buhay ng may buong pagmamahal at pagpapahalaga. Dito ikuwenento ng may-akda kung paano sinalat ng kaniyang mangingibig ang bawat bahagi ng kaniyang katawan at pagtukoy nito sa halaga ng bawat bahagi sa buhay ng may-akda. Naisalaysay rin ng may-akda ang kaalaman ng kaniyang mangingibig sa klase sa Anatomiya. Linapatan ng matatalinghagang pananalita ang katha at ang pag-uugnay nito sa bawat lamang-loob at bahagi ng katawan bilang paglalarawan sa katawan ng may-akda. Isinalaysay rin ng may-akda ang tila pagtataksil na nagawa dahil sa pakikipagtalik niya sa kaibigang nakatali na rin sa iba. Gumamit din ang may-akda ng mga simbolismo upang mailahad niya ng mahusay ang mensaheng nais ipabatid sa mga mambabasa.


Tumatak na Linya:

          “Marahil, may mahiwagang saplot na hinding-hindi mahuhubad, hinding-hindi matatanggal dahil hinding-hindi nakikita. Kaya ulitin man namin ang gabing iyon, ulit-ulitin man naming tukuyin ang ngalan ng mga buto at laman, hindi niya masasalat ang sariwang galos na kapuwa naming nilikha.”

v  Tinukoy ng may-akda ang “sariwang galos” na ito, bilang pagtataksil sa kanilang kasintahan. Isang sugat na kailanman ay hindi madaling maghihilom. Sinariwa ng may-akda ang gabing ito ng pagtangi subalit sa kabila ng hubad at lantad nilang katawan ay tila mayroon pa rin silang itinatago sa bawat isa.

Damdaming Nangingibabaw:

          Isinalaysay sa kathang ito ang pagtanging nadarama ng may-akda sa kaniyang kaibigan. Subalit nakadama rin ang may-akda ng pagtataksil sa mga taong nagpakita sa kanila nang lubos na pagmamahal ngunit nagawa lamang nilang lokohin at saktan. Mababakas sa kathang ito ang pagsalat ng dalawang nilalang sa init ng pagmamahalan na mahahanap lamang nila sa katawan ng bawat isa. Isinalaysay rin sa kathang ito ang pagpapahalagang ipinadarama ng may-akda at ng kaniyang kaibigan (mangingibig) sa isa’t isa. Muling pinagmunihan ng may-akda ang kaniyang ginawang pag-aalay ng sarili sa kaniyang mangingibig.

XI.   Nakalagda sa Katawan
\
Estilo:

            Inilahad niya ang sanaysay na ito sa pamamagitan ng paglalarawan ng may-akda sa kaniyang katawan. Dito ikuwenento niya kung ano ang kaniyang ginagawa upang makamit ang inaasam na hubog ng katawan. Dito isinalaysay ng may-akda kung ano ang halaga ng katawan para sa buhay-pag-ibig. Inilahad din ng may-akda ang kaniyang pakikibakaka sa sakit na tumama na rin sa kanilang mag-ama.

Tumatak na Linya:

            “Kilala ko ang aking katawan at hindi ako maililigaw nito, nakapiring man akong paikutin nang paulit-ulit sa umpukan ng palengke at parke, ibahin man ang ruta ng aking dinadayo, ang aking ginagalugad, ang aking tinutuklas.”

v  Tanging tayo lamang ang nakakaalam ng ating sarili. Alam natin ang bawat likaw ng ating bituka. Magkaiba-iba man ito ng hugis o anyo, alam natin na hindi nito mababago ang pagkatao.

Damdaming Nangingibabaw:

          Inilahad ng may-akda ang kaniyang pakikibaka sa diyeta at pagtamo ng magandang kalusugan. Nahirapan man ang may-akda sa pagtamo ng inaasam na hugis ng katawan dahil sa ‘di mapigil na tukso at kawilihan sa pagkain ay pinilit niya itong ginawa alang-alang, hindi lamang sa kaniyang sarili kundi maging para sa kaniyang pamilya. Patuloy na inuusig ang may-akda ng kaniyang nakaraang katawan ngunit batid niyang kailangan niya na itong kalimutan kung gusto niya pang mabuhay nang matagal.

XII. Agaw-Buhay

Estilo:

          Nailahad sa kathang ito ang naging pakikipagsapalaran ng may-akda at ng kaniyang ama sa sakit sa puso. Nagkakaroon ng transisyon sa paglalahad sa bawat bahagi ng sanaysay (may-akda-ama-may-akda). Tinuligsa rin niya ang mga pribadong ospital kung saan, tanging ang mga may-kaya sa buhay lamang ang nais nilang gamutin, maging mga pambansang pagamutan kung saan ginagawang negosyo ang mga kagamitan na mula sa kaban ng pamahalaan. Ilinarawan din ng may-akda ang nakakapanlumong estado ng ating mga pagamutan, hindi lamang ang malalaking ospital kundi maging ang mga pagamutan sa kanayunan (health centers). Binatikos niya ang bagsak na kalidad ng serbisyong medikal sa ating bansa.

Tumatak na Linya:

          “Agaw-buhay ang estado ng kalusugan sa bansa. Walang dudang kay raming naniniwala sa mga mirakulo, sa banal na langis at sa nakapanggagamot na tubig gaya nang isinasadula sa pelikulang Himala ni Ishmael Bernal. Ito ang panahong kay raming nagtatapos ng nursing para manilbihan sa mga ospital sa ating bansa. Ito ang panahong nag-aagaw-buhay ang dignidad ng mga doktor.”

v  Dahil sa bagsak na estado ng serbisyo medikal sa ating bayan, napipilitan na lamang ang ating kababayan na magpagamot sa mga alternatibong manggagamot. Kahit alam nilang walang kaseguraduhan na gagaling sila mula sa mga dahon-dahon na itinatapal sa kanilang mga nagmamanas ng katawan. Inilarawan din ng may-akda ang panahong ito kung saan nagaganap ang “Brain Drain,” sa ating bayan. Ang mga dalubhasa sa larang na ito ay napipilitan na mangibang-bayan dahil na rin sa malaking oportunidad na ipinangako sa kanila. Nakakalungkot mang isipin ngunit totoo na darating ang panahon, unti-unting mamatay ang ating bayan dahil sa wala nang mga manggagamot na gagamot sa linalagnat nating kababayan.

Damdaming Nangingibabaw:

          Nalulungkot ang may-akda dahil kahit malaki ang kinakaltas mula sa kakarampot na sahod ng ating kababayan para lang mapaganda ang mga impraestraktura at magkaroon ng de-kalidad na edukasyon sa ating bayan ay hindi pa rin ito mabatid. Dahil sa mga simpleng pagamutan pa lamang kung saan, isa sa pinakapangangailangan ng ating kababayan ay hindi na mabigyan ng pamahalaan ng magandang serbisyo ang mga hikahos nating kababayan. Sa halip na makagaan ay mas lalo pa itong bumabaon sa mahihirap dahil sa mahal na gastusin sa ating mga pambansang pagamutan. Nangangamba rin ang may-akda na darating ang panahon kung saan unti-unti na lamang mangangamatay ang ating mahihirap na kababayan dahil sa hindi kaaya-ayang kapaligiran sa loob ng mga pambansang pagamutan at kawalan ng mahuhusay na nars at doktor sa ating mga pambansang ospital.

XIII.                Sa Bayan ng Mga Boksingero

Estilo:

            Isinalaysay sa akdang ito ang impluwesya ni Manny Pacquiao at Fernando Poe Jr. sa buhay ng ating kababayan. Ikuwenento ng may-akda kung paano naging isang “icon” si Manny at FPJ sa pagsulong ng katahimikan at pagkakaisa. At ang paglalahad ng may-akda sa epekto ni Pacquiao tuwing magkakaroon siya ng sagupaan sa ibang bansa. Iniuugnay ng may-akda ang mga panitikan sa ating bayan at sa paglalarawan ng mga makabagong panitikan tulad ni Pacquiao sa isang makabagong epiko.

Tumatak na Linya:

            “Ang pakikipagtunggali ng boksingero ay pakikipagtunggali ng lipunan sa mga yugto ng kasaysayan. Agimat sa naglulupasay na mithiin ang bawat mistikal na suntok. Ang bansa at ang boksingero ay nagiging isa. Pambansang trahedya ang pagkatalo at pandaraya ngunit nagiging alamat ang isang pagbangon.”

v  Ilinarawan sa pahayag na ito kung gaano kalaki ang impluwensiya ni Manny Pacquiao sa buhay ng bawat Filipino. Ilinalarawan din kung paano itinuring si Pacquiao bilang isang idolo at bayani ng mga Filipino.

Damdaming Nangingibabaw:

            Ilinarawan dito ng may-akda ang impluwensiya ni Manny Pacquiao at FPJ sa bawat mamamayang Filipino. Isinalaysay rin dito kung paano ipinagmamalaki at naging inspirasyon sa mga Filipino, si Pacquiao sa bawat laban at pagkapanalo nito sa ibang bansa. Naging simbolo na si Pacquiao sa pagsusulong ng katahimikan at pagkakaisa sa ating mga Filipino.

XIV.                Mula sa Isang Hindi Naging Pinaka

Estilo:

            Ito ang naging talumpati ng may-akda para sa mga mag-aaral na magsisipagtapos mula sa minamahal na paaralan. Dito nagsaad siya ng kaniyang mga saloobin mula pagkabata at sa kaniyang mga naging karanasan sa paaralang iyon. Naglahad din siya ng mga payo at suhestiyon sa mga mag-aral kung paano haharapin ang buhay ng taas noo at may pagpupunyagi. Gumamit din siya ng mga simbolismo sa paglalahad niya ng nilalaman ng kaniyang talumpati.

Tumatak na Linya:

          “Hindi lahat ng inaasahan ay matutupad, hindi lahat ng ng inambisyon ay magagawa. Hindi ka laging mananalo. Masasaktan ka at mabibigo. Baka maghintay ka nang matagal bago muling manalo. Pero huwag kang umurong. Nagwawagi ang mga hindi sumusuko.”

v  Ang bawat tao ay may kani-kaniyang pangarap na nais matupad. Ngunit alalahanin natin na hindi lahat ng ito ay maisasakatuparan sa isang kisapmata lamang. Kailangang magsikap at huwag mawalan ng pag-asa na balang-araw ang mga pangarap na ito ay makakamit natin. Ang taong sumusuko ay laging talo sa bandang huli ngunit ang taong marunong manindigan, masaktan man ay matatamasa pa rin ang pagkapanalo sa dulo ng daan.

Damdaming Nangingibabaw:

      Ipinakita rito ng may-akda ang kaniyang pagpupunyagi sa buhay. Kahit hindi man siya itinuring na hindi pinaka ay hindi ito naging dahilan upang siya’y magsumikap sa buhay at maabot ang kaniyang mga pangarap. Ipinagmamalaki ng may-akda ang lahat ng bagay na kaniyang natamo, maliit man ito o malaki, simple man ito o magarbo. Masaya ang may-akda sa mga pangarap na kaniyang natamo at hangad din niya na maranasan ito ng mga mag-aaral.

XV. Sampung Bagay na Hindi Sasabihin sa Iyo ng Isang Guro

Estilo:

Sa sanaysay na ito inilahad ng may-akda ang kaniyang mga pabatid at paumanhin sa mga mag-aaral. Ikuwenento niya ang mga hinahangad ng isang guro para sa kaniyang mga mag-aaral. Isa itong pagsisiwalat ng mga hinaing lihim at kasiyahan ng may-akda sa larang ng pagtuturo. Dito ipinahiwatig ng may-akda sa mga mag-aaral kung ano ang mga bagay na magpapasaya sa isang guro. Magaan at personal ang pagpapahayag ng may-akda sa bawat kaisipang kaniyang ilinalahad sa sanaysay na ito.

Tumatak na Linya:

            “Paminsan-minsan, nai-insecure kami sa mga estudyanteng humahamon sa aming galing at kakayahan; sa mga estudyanteng trip lang alamin kung may alam ba talaga ang guro o nambobola lang. Kailangan naming tanggapin ito: Balang–araw, malalagpasan, mahihigtan kami ng mga estudyante.”

v  Hindi maipaliwanag ang kasiyahan na mararamdaman ng isang guro tuwing makikita niya ang kaniyang mga mag-aaral na nahigtan na ang kaniyang mga natamo. Masaya ang isang guro kung alam niyang may mga bagong natutuhan ang kaniyang mga mag-aaral, hindi lamang sa kaniyang pagtuturo. Alalahanin na walang doktor, inhinyero, nars, manager at iba pa, kung walang guro na magtuturo sa kanila. Ang pagtuturo ay hindi isang madaling bokasyon kaya sana magpakita ang mga mag-aaral ng interes at pagmamahal sa pag-aaral dahil hindi nila batid ang mga gabing nagpupuyat ang mga guro sa paggawa ng mga kinakailangan para lamang mabigyan sila ng isang inter-aktibong klase kinabukasan. Kaya sa mga bayani ng karunungan, isang pagsasaludo!

Damdaming Nangingibabaw:

          Inilahad dito ng may-akda ang pagmamahal niya sa larang ng pagtuturo. Humingi rin siya ng paumanhin sa mga mag-aaral kung minsan hindi nito nagagampanan ang lahat ng kaniyang ipinangako. Nais ipabatid ng may-akda na ang pagtuturo ay hindi madaling bokasyon subalit lubos ang kasiyahan na mararamdaman lalo na kung makikita niya ang mga dating mag-aaral na nagtagumpay na sa iba’t ibang larang na kanilang pinili. Halo-halo ang damdaming ipinakita sa kabuoan ng sanaysay na ito, may masaya, malungkot, humihingi ng paumanhin. ‘Ika nga’y hindi maipaliwanag ang nararamdaman ng may-akda.

XVI.                Tala ng Buhay

Estilo:

            Inilahad sa paraang pananalinghaga at paggamit ng mga simbolismo ang nilalaman ng akda. Nasa anyong patula rin ang pagkakasulat ng akdang ito.

Tumatak na Linya:

          “Sapagkat lagi tayong humahakbang kahit may binabalikan at ang pagbabalik ay naghahatid ng kaluwalhatian.”

v  Sumasaya tayo tuwing magugunita sa ating isipan ang mga alaala ng nakaraan. Ang mga magandang alaala ay hindi kailanman kumukupas sa pagdaan ng panahon.

Damdaming Nangingibabaw:

            Paggunita ito ng mga simulain sa buhay ng may-akda. Paglalarawan niya sa buhay, sa masasaya at mapapait na alaala na naranasan at pagharap sa mga hamon sa kaniyang kinakaharap at kakaharapin.


Mga Tip ng Isang Mahusay na Pagsusulat

Q      Muling balikan ang mga alaala ng nakalipas. Dito tayo huhugot ng ating mga kaisipan na ating ilalahad sa akda.  Sa pagsulat, walang makakatalos sa karanasan bilang saligan ng nilalaman ng gagawing katha subalit hindi maganda na lahat na lamang ng ating isusulat ay mula sa ating karanasan. Magdudulot na ito ng pagkawala ng sariling pananalinghaga at pagkamalikhain.

Q      Paggamit ng mga simbolismo o larawang-diwa upang hindi lamang ipinid ang tunay na pagkakakilanlan ng may-akda kundi maipahayag ng may kalinawan ng may-akda ang nais niyang maipaabot sa mga mambabasa.

Q      Ang pagsulat ay isang bersiyon ng archives ng manunulat. Dito niya ilinalagak ang mga piraso ng kanilang kasaysayan na maaari nilang balik-balikan.

Q      Hanapin ang sariling balon ng pagkatha, dito tayo sasalok ng ating sariling pamamaraan at estratehiya sa pagsusulat. Ang balon na ito ang magpapaiba sa atin sa iba pang mga manunulat.

Q      Bawat isa sa mga manunulat ay nakatuntong sa isang lawas na may latag ng sariwang tubig sa pinakailalim. Nasa kaniya ang paraan kung paano ito tutuklasin, huhukayin at padadaluyin upang umagos sa lambak na maaaring paglinangan ng mga binhi hanggang sa lumago at magkabunga.

Q      Lumikha ng mga talaan ng salita na maaaring magamit sa pagkatha dahil ang naturang salita ay kakaiba, maganda ang tunog at nakakabighani sa mambabasa.

Q      Nalalaman sa pagsusulat ang paglikha sa daigdig na hindi pa napupuntahan. Ehersisyo ito sa kapangyarihan ng imahinasyon. Sabi nga, ang manunulat ay may malikot na paghihiraya.

Q      Bigyan ng tinig ang hindi nakaiimik at itala ang kasaysayan ng mga nakalimot at hindi nakapagtatala.

Q      Iwasan ang pagiging “mensaherong manunulat” o tagaulit ng mga katha ng mga naunang manunulat.

Q      Magkaroon ng sariling tinig at ilahad ang kaisipan ng may kalayaan, walang tanikalang pumipigil sa diwa ng pagkatha.


Isang Award Winning na Sanaysay

            Hindi na mabilang ang natanggap na pagkilala ng sanaysay na ito sa larang ng pagkatha ng mga sanaysay. Ilan nga sa pagkilalang natanggap ng sanaysay na ito ay mula sa isa sa pinakakilala at pinakapinagpipitagang programa ng paggawad sa mga likhang sining, ang “Carlos Palanca Memorial Awards.” Ang pagkilalang ito ang pinakamataas na pagkilala at parangal na maaaring matanggap ng isang manunulat at katha sa larang ng pagsulat.
           
            Mababakas na walang tulak-kabigin ang sanaysay na ito. Tunay ngang isa itong Obra Maestra. Narito ang ilan sa mga pamantayan kung bakit ko nasabing isa itong obra maestra. Una, personal ang sanaysay na ito. Mababakas na tila nakikipag-usap ang may-akda sa kaniyang mga mambabasa. Mahalaga para sa mga akda na maipaabot sa mga mamababasa ang kaisipan ng may-akda sa paraang maalwan at hindi gaanong seryo. Pangalawa, mula ito sa balon ng karanasan ng may-akda. Hindi kababakasan ng kaliluhan ang mga sanaysay. Ayon nga sa una ko nang isinaad sa itaas, walang tatalos sa bisa ng karanasan bilang saligan sa pagkatha. Walang konsepto na gawa-gawa lamang ng may-akda. Lahat ng sanaysay ay mula sa karanasan ng may-akda na naging lunan ng may-akda upang makabuo ng isang kalipunan kung saan malaya niyang maipapahayag ang kaniyang kaisipan ng nalalapatan niya ng pananalinghaga at pagkamalikhain. Pangatlo, hindi lamang naglalahad ang may-akda ng kaniyang mga naging karanasan kundi maging naglalahad din siya ng mga kaisipan at payo na makatutulong sa iba pang manunulat man o hindi manunulat.  Pang-apat, naglalayon itong imulat ang iba pang manunulat sa iba pang aspekto sa larang ng pagsusulat. Nais ng may-akda na hindi maging limitado ang mga manunulat sa aspekto ng pagkatha o pag-iisip ng mga paksang pag-uusapan. Pang-apat, layunin nitong imulat ang mga manunulat at mambabasa sa kamalayang panlipunan. Isa sa pangunahing tunguhin ng mga katha tulad ng sanaysay ay imulat ang mga tao sa pangyayari at mga pagbabagong nagaganap sa ating lipunan. Hindi na dapat nagiging bulag ang mga manunulat at mambabasa sa mga aspekto o paksain na nilang bigyang-tuon. Panlima, ang kaniyang mga katha ay nakalilinang ng diwa, nakakapagpaiyak sa mga mambabasa, nakakapagpatawa at inspirasyon at ng pagninilay.  Iba-iba man ang persona na ginamit niya sa mga sanaysay na kaniyang likha ay batid pa ring isa sa layunin nito ay makapaghatid ng malawak na kaisipan sa mga mambabasa. Pang-anim, simple, kumbensiyonal at ngangayunin ang mga paksang pinag-uusapan. Kahit magdaan man ang mahabang panahon, hindi kailanman maluluma ang mga paksang pinag-uusapan sa mga katha ng may-akda. Naiuugnay ng mambabasa ang karanasan ng may-akda sa kaniyang sariling karanasan. Kaya mas nahihimok tayong magbasa at napapalapit tayo sa bawat pahayag.

            Hindi maipagkakaila na karapat-dapat nga naman talagang gawaran ng pinakamataas na pagkilala sa larang ng pagsusulat ang mga likhang ito ni Eugene Evasco. Hindi lamang nito layuning magbulalas ng kaniyang personal na karanasan kundi maging maiugnay ang kaniyang mga naging karanasan sa buhay ng kaniyang mga mambabasa. Kakikitaan ng koneksiyon kumbaga ang mga sanaysay na ito ng may-akda sa buhay ng kaniyang mambabasa at sa iba pang manunulat.


Karimlan sa Pagkatha

            Hindi lahat ng katha ay maituturing na perpekto o walang kahinaan. Kung ang pinakamatapang na tao ay may kahinaan din, ano pa kaya ang isang sanaysay. Sa kalipunan ng sanaysay na ito ni Eugene Evasco. Mababatid ang ilang kahinaan sa pangkalahatang pagsusuri na aking ginawa sa akda. Una, paglalahad ng may-akda ng dapat sanang isang lihim o hindi na kailangan ilimbag sa aklat, lalo na sa aspektong seksuwal. Hindi maganda sa isang mananaysay na ilinalarawan ang kaniyang mga karanasan sa pakikipagtalalik. Ang aspektong ito ay dapat maging pribado, hindi lamang sa manunulat kundi maging sa lahat ng tao. Pangalawa, ang labis na paggamit o paglalapat ng mga personal na karanasan sa paglalahad. Wala namang masama sa paggamit ng mga personal na karanasan dahil isa kung iisipin isa ito sa nagbibigay-kulay sa malikhaing katha. Subalit, ang sobrang paglalapat ng mga personal na karanasan lalo na iyong malayo na o wala nang kaugnayan sa pinag-uusapan ay nakakapagpagulo lamang sa kabuoan ng katha. At panghuli, ang paggamit ng may-akda ng mga abstraktong kaisipan sa kaniyang mga sanaysay. Mababakas ito sa mga di-tuwirang pahayag na mababatid sa ilang bahagi ng sanaysay. Mas mainam kung tuwiran at malinaw na ipinahahayag ng may-akda ang lahat ng kaisipan upang hindi ito magdulot ng kagitlahanan sa mga mambabasa. Ang mga mamababasa ay naglalaan ng oras sa mga ganitong uri ng babasahin upang magkaroon ng libangan o magpalipas-oras at hindi nila layuning suriing mabuti ang bawat abstraktong kaisipan dahil kakainin lamang nito ang kanilang oras at panahon.

            Hindi na maiiwasan na magkaroon ng kaunting kahinaan sa kabuoan ng sanaysay. ‘Ika nga ng isang banyagang manunulat, “One of the things that draws writer to writing is that they can get things right that they got wrong in real life.” Sa pamamagitan ng pagsusulat, malayang naipahayag ng may-akda ang kaniyang saloobin ng walang pagkimi o tanikalang pumipigil sa kaniya na ilahad ang kaniyang kaisipan. Ito rin ang nagiging lunan o daluyan ng pagpapahayag ng may-akda ng kaniyang mga saloobin.

Ako at Ang Pagsulat

          “A professional writer is an amateur who didn’t quit – Richard Bach.” Ang isang mahusay na manunulat ay kailangan munang magsimula sa pinakadulo. Mula sa pagsulat ng mga simbolo hanggang sa makasulat na siya ng isang pahayag na may buong diwa. At ang isang mahusay na manunulat ay hindi kailanman tumitigil at sumusuko sa pagsulat. Ang pagsusulat para sa mga batikang manunulat ay karugtong na ng kanilang buhay, hindi na ito maihihiwalay sa kanilang pagkatao.

            Ganito ko rin ilarawan ang sarili ko sa larang ng pagsusulat. Hindi ko masasabing ako’y bihasa na sa pagsusulat. Marahil, oo ngunit iyong mga akademiko lamang at hindi papantay sa mga malikhaing katha tulad ng iba pang manunulat. Ngunit, ginagawa ko ang lahat ng aking makakaya, ako’y patuloy na nagsasanay at nililinang ang aking talasalitaan upang pagdating ng panahon, makilala rin ako tulad ng may-akda na isang mahusay na manunulat. Naniniwala rin ako sa isinaad ng may-akda sa isa sa kaniyang mga sanaysay na kung mayroon kang bukal ng karanasan at kaisipan ay malaya kang makagagawa at makapagsusulat ng anumang bagay o paksain na sumagi sa iyong isipan. Ang mga karanasan at maunlad na pag-iisip ang magtutulak sa akin upang mailahad ng mabuti ang aking mga hinaing o saloobin. Naniniwala rin ako na hindi pa huli ang lahat para sa aking buhay sa pagsusulat. Ito ay simula pa lamang ng aking pakikipagsapalaran sa larang ng sariling pagkatha.

Buod

Pilat sa Pilak

            Naging abala ang buong pamilya sa pagpaplano ng ika-25 anibersaryo ng pagtitipan ng kaniyang mga magulang. Labis ang kanilang paghahanda sa nalalapit na okasyon. Dahil dito, hindi naiwasan ng may-akda ang maalala ang mga mapapait na sandali sa kaniyang buhay kung saan hindi niya man lamang naranasan ang mga ganitong paghahanda kahit sa mga espesyal na okasyon. Binalikan ng may-akda ang naging buhay ng kanilang pamilya mula sa nuno ng kaniyang mga magulang hanggang sa makabuo sila ng pamilya.  Naglahad ang may-akda ng kaniyang mga himutok dahil sa mga mapapait na karanasan at mga bagay na ipinagkait mula sa kaniyang pagkabata. Gayunpaman, pinipilit ng may-akda na hilumin ang bawat sugat na idinulot ng mga ganitong pangyayari.

Dalaw

          Sa paglipat sa bagong tahanan sa bayan ng Antipolo, hindi maiwasan ng may-akda na magunita ang buhay na kinagisnan sa masisikip na kalye, maiingay, at maduming kapaligiran sa Maynila. Hindi naging madali sa may-akda ang kalimutan ang mga kinamulatan niya. Nahirapan siyang mag-adjust sa bagong buhay sa Antipolo. Tila rin isa siyang turista sa bagong tahanang ito sapagkat nagkaroon ng malaking pagbabago sa kanilang buhay. Naninibago siya sa mga pangyayari, tanawin at mga bagay sa kaniyang paligid na malayo sa kinagisnang pamumuhay sa Maynila. Sa kabila ng mga pagbabagong ito, pinipilit pa rin ng may-akda na maging normal ang kaniyang pamumuhay kahit malayo na ito sa buhay na kaniyang kinagisnan.

Ang Pagtatapon ng mga Kasangkapan

            Isa-isang nasisira ang mga kasangkapan sa tahanan ng may-akda, dahil dito naisipan niya na itapon na lamang ang mga kasangkapang ito subalit pinigilan siya ng kaniyang mga magulang. Itinanong niya sa kaniyang sarili kung bakit mahirap para sa kaniyang mga magulang ang magtapon ng mga kasangkapan, gayong wala na naman itong halaga o hindi na ito magagamit kailanman. Nabatid niya na mahirap para sa mga tao tulad ng kaniyang mga magulang na magtapon ng isang bagay na may sentimental na pagpapahalaga sa mga kagamitang ito. Ang taong mayroong sentimental na pagpapahalaga sa mga bagay hanggat sa kaya pa itong maayos ay hindi niya ito itatapon. Kung wala na talagang pag-asa ay itatambak na lamang ito sa isang sulok. Doon lamang napagtanto ng may-akda na lubos na mahalaga ang mga kasangkapang ito sa kaniyang mga magulang. Marahil sa mga kagamitang ito nagsimula ang kanilang maunlad na pamumuhay.

Mga Selyo at Libro

          Ikuwenento ng may-akda ang isa sa kaniyang mga kinahiligan mula pa noong kaniyang kabataan. Ang pangongolekta ng selyo mula sa magulang, kaibigan, tanggapan, at ibang bansa. Inilahad niya ang paraan ng pag-alis ng bawat selyo mula sa pagkakadikit nito sa sobre ng hindi napupunit at nasisira ang anyo nito. Mula din sa mga selyong ito nabatid ng may-akda ang ganda ng likhang-sining mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Ang kanilang paraan ng paglalarawan at pagmamalaki sa kanilang bansa sa pamamagitan ng paglapat nito sa kanilang mga selyo. Binigyan-diin din ng may-akda ang kawalan ng interes ng mga Filipino sa ating mga likhang-sining, likas na yaman dahil hindi nila ito maipagmalaki sa simpleng pamamaraan tulad ng paglapat nito sa mga selyo na mula sa ating bansa. Inilahad din ng may-akda, ang unti-unting pagkawala niya sa pagkarahuyo sa kinahiligang ito, dahil na rin sa udyok at pagpigil ng kaniyang mga magulang.

Pagsalok sa Antigong Balon

Mahalaga para sa isang manunulat na magkaroon siya ng isang bukal ng kaalaman at katatasan ukol sa kaniyang isinusulat na paksa. Dahil dito malaya niyang naipapahayahag ang mensahe na nais niyang ipabatid sa mga mambabasa. Isa ito sa mga naging suliranin sa pagsusulat ng may-akda. Lantad man siya sa wikang Tagalog, ay alam niyang hindi iyon tunay na Tagalog, kundi isang wikang bulanglang na isinalang sa Lungsod. Batid niyang mayroong kulang sa kaniya bilang isang manunulat, ang wika, kultura at pamumuhay na tanging mailalarawan at nagagamit lamang ng mga manunulat na kabilang sa isang pamayanang rural. Ginamit niyang simbolo ang isang “balon,” bilang pinagkukunan ng lahat ng pangangailangan ng isang manunulat upang maisulat niya at mabigyang-katuturan ang isang katha. Bilang isang manunulat, patuloy na naghahanap ang may-akda kung saang lunan nga ba siya kabilang. Patuloy siyang naghahanap ng isang balon na kahit dumaan man ang pinakamalalang tagtuyot, ay hindi ito mauubusan ng tubig.

Ang Pagtula sa mga Bulaklak

            Unang natutuhan ng may-akda ang konsepto ng pagkamalikhain noong nasa kolehiyo pa lamang siya. Subalit, linukob ang konseptong ito ng sariling pagkakakilanlan, ng turuan silang magsulat batay sa mga akda ng mga manunulat noon. Nakulong ang mga manunulat sa isang bartolina kung saan hindi nila magawang makawala at magkaroon ng sariling tinig sa pagsusulat. Naglahad ang may-akda ng maraming paraan at situwasyon, kung paano magiging malikhain sa paggawa ng isang sulatin. Mahalaga para sa may-akda na magkaroon ang isang manunulat ng sapat na kaalaman at kabatiran sa paksang bibigyan niya ng pansin. Nais niyang mamulat ang mga katulad niyang manunulat sa marami pang paksaing kailangang bigyang-tuon sa ating lipunan bukod sa mga paulit-ulit na paksang pinag-uusapan sa mga isinulat ng mga makalumang manunulat. Panahon na upang mangibabaw ang kritikal at malikhaing pag-iisip ng mga manunulat. Binigyan niya rin niya ng pansin ang mga bagay na naglalarawan ng ating kasaysayan, na unti-unti nang nababaon sa limot at nawawalan ng pagpapahalaga.

Mga Saranggola sa Tag-ulan: Isang Pagkatha sa Pagkabata

            Mahalaga para sa may-akda ang mga kabataan. Isa ito sa ika niyang forte sa mga paksang gustong-gusto niyang pinag-uusapan sa kaniyang pagsusulat. Kaya lubos siyang nanghihinayang sa unti-unting paglaho ng mga akdang pambata at pagpapalit ng mga aklat pangakademya sa pagtuturo ng pagbasa sa mga kabataan. Sa halip na imulat ang mga kabataan sa pagpapabasa ng mga aklat pambata tulad ng Aesop fables, kuwento ni Juan Tamad, Tom Sawyer at iba pa. ay pinag-aaralan na nila ang Matematika, Agham at  Sibika sa mura nilang edad. Muli ring inalala ng manunulat ang kaniyang naging kabataan, ang mga pait at kalupitan na kaniyang naranasan.  Ang pagbuo niya ng isang arketipo ng sarili sa kaniyang imahenasyon upang maranasan ang mga bagay na ipinagkait noong kaniyang kamusmusan. Tinuligsa rin ng may-akda ang mga kapuwa manunulat ng mga akdang pambata na nagwawalang-bahala sa paglikha ng mga akda na naaayon sa pangangailangan ng mga kabataan. Hindi nawawalan ng pag-asa ang may-akda at hinahangad niyang muling manunumbalik ang sigla ng mga akdang pambata sa ating bayan.

Segunda Mano

            Tinalakay sa kathang ito ang paglalarawan ng ating bansa bilang tapunan o bagsakan ng basura mula sa iba’t ibang panig ng daigdig. Ang mga basurang ito na itinuring ng walang-silbi sa ibang bayan ay kakikitaan pa rin natin ng halaga. Isinalaysay ng may-akda ang kaniyang naging karanasan ukol sa mga pagtangkilik ng mga segunda manong kagamitan tulad ng mga aklat na mula pa sa ibang panig ng daigdig. Binatikos ng may-akda ang mga Filipino na tumatangkilik sa mga segunda manong aklat, lalo na iyong mga taong hindi man lamang sinusuri kung tama o mali ang nilalaman ng aklat na kanilang binasa. Ikuwenento rin ng may-akda ang kawalang pagpapahalaga ng mga tao sa mga limbag na katha, pagsasantabi at pagtatapon nito pagkatapos itong magamit. Nilinaw rin ng may-akda na hindi kasalanan ng mga segunda manong kagamitan kung bakit sila napunta sa ganoong kalagayan, ang salarin at dapat sisihin sa mga pagbabalewalang ito ay ang mga taong hindi marunong magpakita ng pagpapahalaga sa kanilang kagamitan. Hangad din niya na darating ang panahon kung saan ang mga segunda manong aklat ay magkakaroon muli ng kulay at halaga sa mga mambabasa tulad ng mga aklat na bagong limbag pa lamang.

Kilometro Zero ng Isang Lagalag na Taong Bahay

Isinalayay dito ng may-akda ang pinagmulan niya bilang isang makata, manunulat, at tao. Imunulat niya ang lipunan sa panitikang likha ng mga bakla. Ikuwenento niya ang pagtatago ng tunay na katauhan na kaniyang ilinilihim mula pa pagkabata, hanggang sa pagdating ng panahon kung saan nadama niyang malaya na niyang nang maipapahayag ang kaniyang sarili. Isinalaysay niya rin kung paano nakatulong ang paglalayas at paglalagalag upang maging isang bagong sibol na manunulat. Ito ay tinawag ding “zero”, dahil ito ang pagsisimula, ika nga’y “starting point” ng buhay ng may-akda bilang isang makabagong manunulat.  Sa tulong din ng kaniyang mga bagong karanasan ay namulat siya sa maraming aspekto at paksain sa buhay. Naging lunan ang mga karanasang ito upang makabuo siya ng mga malikhaing katha na nauukol sa impluwensya, politika at poetika ng kaniyang panulaan. Nagbigay rin siya ng mga payo sa kaniyang kapuwa manunulat ukol sa pagbuo ng isang malikhaing katha na angkop sa sariling tinig at niloloob ng tao.

Anatomiya

            Nagbalik-tanaw ang may-akda sa isang tagpo sa buhay ng dalawang taong nag-iibigan: ang gabi ng pagtangi. Dito isinalaysay ng may-akda ang panahon kung saan nakadama siya ng tawag ng laman, tukso at kapanabikan sa pakikipagtalik. Muli niyang sinariwa ang alaala kung saan inialay niya ang kaniyang katawan sa kaniyang mangingibig. Sa karanasan din ng kaibigan ng may-akda sa Anatomiya, iniugnay niya ang oras na iyon sa isang ekspirementong ginagawa ng mga mag-aaral sa anatomiya kung saan hinihimay-himay nila ang bawat bahagi ng katawan ng tao. Sa pananalinghaga rin inugnay ng may-akda ang mga bahagi ng kaniyang katawan sa halaga nito sa kaniyang pagkatao at kaanyuan. Sa gabing iyon, batid ng may-akda na kahit lantad ang buo nilang katawan ay tila may lihim pa ring itinatago ang bawat isa sa kanila.

Nakalagda sa Katawan

          Isinalaysay sa sanaysay na ito ang pakikibaka ng may-akda sa pagtamo ng magandang hugis ng katawan at pagkakaroon ng magandang ayos ng kalusugan. Inilahad din niya ang pangangailangan ng magandang hugis ng katawan sa pagkakaroon ng pag-ibig. Ikuwenenento rin niya ang mga salik na nagtulak sa kaniya upang magpapayat. Inilahad niya ang mga proseso at paraan na kaniyang dinaanan at isinagawa upang makamit ang inaasam na hubog ng katawan. At inilahad ng may-akda na kahit mayroon na siyang bagong katawan, patuloy pa rin siyang inuusig ng kaniyang nakaraang sarili. Naisin niya mang balikan ang nakaraang katawan ay hindi na maaari dahil ito’y magdudulot lamang ng kasamaan sa kaniyang kalusugan.

Agaw-Buhay

            Isinalaysay sa akdang ito ang bagsak na estado pagdating sa serbisyo at kagamitan ng ating mga pambansang pagamutan. Ilinalarawan din ang mga napabayaang pagamutan sa mga liblib na kanayunan, kung saan kulang-kulang ang kagamitan, walang sapat na gamot at doktor. Tiyak na patay na ang maysakit nating kababayan, hindi pa siya nalalapatan ng lunas. Nakakaawa na ginagamit pa ng mga kinatawan ng pamahalaan at ng ilang manggagamot ang mga kagamitan sa Ospital upang mapagkakitaan. Sa hirap na dinanas ng may-akda at ng kaniyang ama mula sa pakikipagbuno sa sakit sa puso, ganoon na lamang ang kaniyang panlulumo sa kaniyang mga nakita at naranasan sa mga pagamutan sa ating bayan. Isinalaysay rin niya ang kawalan ng mga dalubhasa tulad ng nars at doktor sa ating bayan, dahil sa kawalan ng magandang oportunidad na makikita naman sa ibang bansa.  Sinisimbolo rin ang mga pambansang pagamutan ang paraan ng pamamalakad ng ating gobyerno. Hangad ng may-akda na darating ang panahon, na hindi na magsisiksikan ang mga dukha sa isang silid ng mga pampublikong paggamutan, hindi na hihintayin ang oras ng paghihingalo bago pa man malapatan ng kaukulang lunas ang ating mga kababayan.

Sa Bayan ng Mga Boksingero

            Isinalaysay sa akdang ito ang imluwensiya ni Manny Pacquiao at FPJ sa buhay ng bawat Filipino. Si Pacquiao bilang simbolo ng pagsusulong ng pagkakaisa at katahimikan sa ating bayan. Iniugnay ng may-akda ang impluwensiya ni Pacquiao sa mga pagbabago sa ating panitikan. Isinalaysay din dito kung paano nagsisilbing inspirasyon sa mga Filipino ang bawat laban at pagkapanalo ni Manny Pacquiao.


Mula sa Isang Hindi Naging Pinaka

          Ito ang naging talumpati ng may-akda para sa mga mag-aaral na magsisipagtapos mula sa pinagmulang paaralan. Dito inilahad ng may-akda ang mga payo kung paano mapagtatagumpayan ng mga kabataan ang mga pagsubok na kinakaharap sa buhay ng taas noo at may pagpupunyagi. Hinimok rin niya ang mga mag-aaral na ipagmalaki ang mga karangalan na kanilang natamo, maliit man ito o malaki. Nilinaw rin niya na hindi sukatan ang mga parangal at pagkilala upang maging matagumpay sa buhay kundi nasa pagsisikap ito ng bawat tao. Ipinaalala rin niya sa mga mag-aaral na kailangang makipagsapalaran sa buhay, hindi lamang ang pagsusubsob sa sarili sa mga pangakademikong gawain. Ang karanasan ay hindi mapapantayan ng karunungan kailanman.

Sampung Bagay na Hindi Sasabihin sa Iyo ng Isang Guro

            Inilahad sa sanaysay na ito ang mga pabatid at paumanhin ng isang guro sa kaniyang mga mag-aaral. Sa sampung kaisipan, nais ng gurong maunawaan siya ng mga mag-aaral kung minsan hindi lahat ng kaniyang ipinangako ay naisasakatuparan. Dito ipinahiwatig ng may-akda sa mga mag-aaral kung ano ang mga bagay na magpapasaya sa isang guro. Nais ng may-akda na mabatid ng mga mag-aaral ang mga sakripisyo at pagsusumikap na ginagawa ng kanilang guro, mabigyan lang sila ng maganda at de-kalidad na edukasyon. Isa itong kalipunan ng mga daing, saya o galak na nararamdaman ng isang guro sa larang ng pagtuturo.


Kongklusyon

            Hindi man naging madali ang ginugol kong panahon sa pagsusuring ito ay ayos lamang para sa akin. Dahil naramdaman ko ang iba’t ibang emosyon sa aking pagbabasa at pagnanamnam ng nilalaman ng bawat sanaysay. Hindi lamang umunlad ang aking kasanayan sa pagsusuri kundi maging ang aking kaalaman hinggil sa mga isyung binigyang-tuon ng may-akda. Marami akong natutuhang payo upang maging isang mabisa at mabuting tao, anak, kapatid, kaibigan at guro sa pagdating ng panahon. Hindi ko makakalimutan ang aking naging karanasan sa pagbabasa ng bawat sanaysay, mula sa pagbabasa ko sa Bus mula Baao hanggang Naga habang ako’y nakahiga sa aking Kama, Sa silid-aklatan at marami pang iba. Nawa’y pagdating ng panahon maging tulad rin ako ng Eugene Evasco na isang mahusay na manunulat at guro.

“Every secret of a writer’s soul, every experience of his life, every quality of his mind is written large in his works. – Virginia Woolf”

2 comments:

  1. Lucky Nugget casino app - jtmhub.com
    Lucky Nugget casino app, 의정부 출장마사지 available for download on mobile and iOS. 경상남도 출장샵 Lucky Nugget app, download for 순천 출장마사지 PC, Mac, 문경 출장안마 iOS and Android! 강릉 출장마사지 Lucky Nugget app, download

    ReplyDelete
  2. Maari po ba ako makahingi ng kopya ng nilalaman ng isa sa kanyang mga sanaysay sa aklat na ito?

    ReplyDelete