Sunday 10 May 2015




FILIPINO SA KOLEHIYO: KAILANGAN PA BA O DAPAT ALISIN NA?



PANIMULA

Simula pa lamang noong panahon nang ating mga ninuno lubos nang binibigyang tuon ang wastong paggamit ng Filipino bilang ating pambansang wika. Ang Filipino ay hindi lamang sumisimbolo sa ating pagkakakilanlan bilang isang bansa kundi bilang isang nagkakaisang mamamayan. Ang Pilipinas ay isang bansang malaya, sa pamamagitan ng kalayaang ito nabibigyan ang bawat mamamayan nang karapatan na magsalita ng anumang wika o lenggwahe na kanilang nais gamitin. Kahit walo ang wikang sinasalita sa Pilipinas, (Tagalog, Bikol, Hiligaynon, Waray, Pangasinense, Cebuano, Ilokano, at Kapampangan) ay nakikita pa rin natin ang pagkakaisa sa pagsasalita sa pamamagitan ng wikang Filipino.


Mula elementarya hanggang antas tersarya pinag-aaralan na natin ang Filipino, bilang isang asignaturang mas makapaglilinang nang ating kakayahang komunikatibo. Ngunit, tila panahon na nga kaya upang kailangan na nating baguhin ang umiiral na kurikulum sa Filipino sa kolehiyo o kailangan lamang na linanging muli ang umiiral na kurikulum sa Filipino. Alinman sa mga pagbabagong ito sa asignaturang Filipino ang ipatupad sa kolehiyo, alalahanin lamang natin na ang Filipino ay ang ating ina at unang wikang sinasalita. Sa bandang huli, tayo pa rin ay isang nagkakaisang Pilipinong tagapagtanggol ng ating wikang pambansa.

PAGLILINAW NG SULIRANIN


            “The college readiness standards serve as the partial basis of the curricula of Grades 11 and 12, especially for students aiming to take higher education. In broad strokes (since the details are still in the process of finalization), the senior  high school curriculum possesses the following features: 1) It consists of: (i) a core curriculum for all Senior High School students consisting of subjects in English (108 hours), Filipino, literature, communication, mathematics, natural science, social science and philosophy, which conform to the college readiness standards; and (ii) three tracks that will prepare the student for either work or college.” – CHED Memorandum Order No. 20 series of 2013.

Halos isang taon na matapos ilabas ng Commission on Higher Education (CHED) ang CHED Memorandum Order No. 20 series of 2013, kung saan naglalayong alisin ang asignaturang Filipino sa kurikulum ng kolehiyo sa mga unibersidad sa Pilipinas. Kabilang sa mga kurso sa Filipinong ito ay ang Filipino 1: Komunikasyon sa Akademikong Filipino, Filipino 2: Pagbasa at Pagsulat sa Iba’t Ibang Disiplina/ Pagbasa at Pagsulat tungo sa Pananaliksik at Filipino 3: Masining na Pagpapahayag o Retorika. Layunin ng nasabing kautusan na alisin o ibaba mula sa antas tersiyarya patungong antas sekondarya ang ilan sa mga GEC (General Education Courses) kabilang na ang English, Filipino, Mathematics atbp. Ang layunin ng nasabing kautusan ay bawasan ang GEC sa kolehiyo bilang tugon na rin sa ilang pagbabago sa kurikulum ng bansa sa pagdating ng K-12. Subalit maraming mga guro at propesor partikular sa asignaturang Filipino ang mahigpit na tumututol sa ipinalabas na kautusang ito ng CHED. Dahil ayon sa kanila, isa itong bunga ng utak kolonyalismo ng mga opisyal ng pamahalaan at kawalan ng pagpapahalaga sa ating pambansang wika, at paggamit nito bilang midyum ng pagtuturo sa kolehiyo.

 Sa pagbabago ng kurikulum na umiiral sa Pilipinas, panahon na rin kaya na baguhin o tuluyan nang alisin ang asignaturang Filipino sa antas tersiyarya? O isa lamang itong dahilan upang lalong humina ang kalidad ng edukasyong pangwika at lalong humina ang pagpapaunlad ng ating wika bilang isang wikang dinamiko at buhay?


PAGKALAP NANG DATOS

            Noong nakaraang taon naging laman ng balita at ilang pahayagan, ang isyu ng pagtatanggal ng asignaturang Filipino sa mga kolehiyo sa buong bansa. Ito’y alinsunod sa kautusang ipinalabas ng Commission on Higher Education (CHED) na naglalaman ng mga pahayag hinggil sa magiging estado ng mga kolehiyo at unibersidad sa pagpapatupad ng K-12 kurikulum sa buong bansa. Binigyang pansin ng nasabing kautusan ang pagbabawas ng ilang asignaturang ibinibigay sa mga unang taon sa kolehiyo at ang pagbaba ng ilan sa mga asignaturang ito sa antas sekondarya (Grade 11 at Grade 12) kapag naipatupad na ang senior high school sa darating na 2016.

            Noong Hunyo 28, 2013, ipinalabas ng Commission on Higher Education (CHED) ang CHED Memorandum Order No. 20. Series of 2013, na may pamagat na “General Education Curriculum: Holistic Understandings, Intellectual and Civic Competencies.” Ayon sa nasabing kautusan babawasan ang mga asignaturang ibibigay sa antas tersiyarya upang maging tugon na rin sa ilang pagbabago sa kurikulum ng Pilipinas dahil sa K-12. Ang ilan sa mga asignaturang ibinibigay sa unang taon sa kolehiyo ay ibaba sa dagdag na dalawang taon sa antas sekondarya (senior high school). Kabilang sa mga asignaturang aalisin sa kolehiyo at ibaba sa senior high school ay ang asignaturang Filipino. Batay na rin sa nilalaman ng kautusan, hindi na ituturo sa mga kolehiyo sa buong bansa ang asignaturang Filipino kapag naipatupad na ang programang K-12 sa kolehiyo sa darating na 2016.

            Hindi sumasang-ayon sa nasabing kautusan ang halos lahat sa ng mga guro sa kolehiyo sa pagpapalabas ng CHED sa nasabing kautusan. Ayon sa kanila, isa itong simbolo ng paglapastangan ng ating wika, bilang simbolo ng nagkakaisang bansa at pagkakakilanlan ng ating pagka-Pilipino. Ayon din sa “Tanggol Wika”, isang samahang binubuo ng mga guro, dalubwika, mananaliksik, at mag-aaral na nagmamahal sa Filipino, ang mga ito’y dulot lamang ng kolonyalistang pag-iisip ng ilang miyembro ng ating pamahalaan na mas kinikilala ang wikang Ingles bilang inimaheng “wika ng edukado”at “wikang susi ng kaunlaran”.  Dalawang taon pa bago maipatupad ang nasabing kautusan ngunit maraming nang guro, mag-aaral at dalubhasa ang nagpahayag ng pagtutol sa kautusang ito, ilan nga dito ay sina John Kelvin Briones at David Michael San Juan ng De La Salle University-Manila, “Ang halos buong CMO ay nasa wikang Ingles, isang wikang banyaga at hindi ginagamit ng nakararaming mamamayan sa pang-araw-araw na komunikasyon. Sa simula pa lamang ay kitang-kita na ang malawak na agwat ng mga tagabalangkas ng patakarang pang-edukasyon na Ingles ang wikang gamit, at ng mga mamamayang Pilipino wikang pambansa at/o mga wikang rehiyunal ang gamit.” Ayon rin kina Briones at San Juan, kahit ang lenggwaheng pinili para sa pagsusulat ng CHED Memo. No. 20 ay taliwas sa nakasaad na mandato ng CHED na magbigay ng mga gabay pang-edukasyon na tumutugon sa pangangailangan ng mga mamamayan at ng lipunan.

Ang Wikang Filipino sa Kurikulum

            Taong 1937 nang inirekomenda ng Institute of National Language na gawing batayan para sa wikang pambansa ang Tagalog, alinsunod na rin sa nakasaad na kailangang magkaroon ng wikang pambansa sa 1935 Philippine Constitution. Sinundan ito nang pagpapalabas ni dating pangulong Manuel L. Quezon ng Executive Order No. 263 noong Abril 12, 1940 na nag-uutos na isama sa kurikulum ng lahat ng pampubliko at pribadong paaralan ang pagtuturo ng wikang pambansa. Alinsunod dito, naglabas naman ang Secretary of Public Instruction ng Bureau of Education Circular No. 26, s. 1940 na ang pagtuturo ng wikang pambansa ay ipapatupad sa fourth year at second year high school sa mga pampubliko at pribadong teacher training institutions.

            Sa pagdating ng mga mananakop na Hapon, ginawang Tagalog ang medium of instruction at pagdating ng 1943 ay itinakda ng Executive Order No. 10 ni dating Pangulong Laurel ang pagtuturo ng wikang pambansa pati sa elementarya. Nagbago ang ganitong patakaran nang bumalik ang mga Amerikano at ginawang pangunahing medium of instruction ang Ingles at ginawa na lamang asignatura ang Tagalog. Nanatili ang ganitong sistema kahit pa nagkaroon ng mga bagong patakaran sa wika ang mga sumunod na kagawaran sa edukasyon sa paglipas ng panahon.
Ang kolonyal na edukasyon na ito ang dahilan na tinukoy ni National Artist Bienvenido Lumbera kung bakit pilit na tinatanggal ang Filipino bilang asignatura sa kolehiyo.

“Kaya’t ang mga nasa otoridad na nasa sistema ng edukasyon na gumagawa ng patakaran ay pawang mga produkto ng isang kolonyal na edukasyon. Ingles ang kanilang wika nang sila ay mag-aral, at hindi kataka taka na ang edukasyon sa Pilipinas na pinamamahalaan ng ating mga otoridad ay laging humahanay sa mga taga-kanluran ang sistema ng edukasyon na gusto nating pantayan,” saad ni Lumbera.
Tinukoy din ni Lumbera na ang programang K to 12 ay sumusunod lamang sa “isang globalized system of thinking” na hindi sapat ang edukasyon sa Pilipinas dahil sa kulang ito ng dalawang taon. Aniya, hindi na kailangang kumbinsihin pa ang mga otoridad na kailangang pantayan ang sistema ng edukasyon ng mga dayuhan dahil sila mismo ay produkto ng sistemang kolonyal.

Pinagkunan: The Philippine Online Chronicles.html

            Noong Hunyo 21, 2013 nagsama-sama ang mahigit sa 300 propesor at mag-aaral upang bumuo ng isang samahang magtatanggol ng pagpapanatili ng asignaturang Filipino sa mga kolehiyo. Ito ang Alyansa ng Tagapagtanggol ng Wikang Filipino ‘Tanggol Wika’. Panawagan ng tanggol wika ang mga sumusunod:

v  Panatilihin ang pagtuturo ng asignaturang Filipino sa bagong General Education Curriculum (GEC) sa kolehiyo.

v  Rebisahin ang Commission on Higher Education (CHED) Memorandum Order 20 series of 2013.

v  Gamitin ang wikang Filipino sa pagtuturo ng iba’t ibang asignatura.

v  Isulong ang makabayang edukasyon.

Ang pagtatanggal din ng asignaturang Filipino sa kolehiyo ay maaaring magdulot ng malawakang pagkawala ng trabaho ng umaabot sa 10, 000 full time at 20, 000 part time na mga guro at propesor.

Batay naman sa ilinabas na pahayag ng CHED kaugnay nang ilinabas na kautusan, lininaw nilang hindi layunin ng nasabing kautusan ang alisin ang asignaturang Filipino sa bagong kurikulum kundi, ibaba lamang ito sa antas sekondarya upang hindi ito magdulot ng kalituhan at ng paulit-ulit na kurso pagdating ng taong 2016. Ayon din sa CHED, ito’y upang maging patas sa mga mag-aaral pagdating nila sa senior high school kung saan kukunin nila ang assignaturang Filipino na may pamagat na: Komunikasyon at Pananaliksik sa Wika at Kulturang Filipino at Pagbasa at Pagsusuri ng Iba’t ibang Teksto Tungo sa Pananaliksik, at hindi na nila kailangan pang kunin ang dagdag pang siyam na yunit na dati nang asignatura sa Filipino sa antas kolehiyo.

            Ayon din sa pahayag ng CHED, ang pagtanggal ng asignaturang Filipino sa antas tersiyarya ay hindi naglalayong lapastanganin ang sinimulan ng ating mga ninuno kaugnay ng pagtatanggol nila sa ating wika. Hindi nila kinakalimutan na Filipino pa rin ang wikang pambansa ng Pilipinas kaya, ipinag-utos ng CHED sa pagpapalabas ng kautusan na maaari pa ring gamitin ang Filipino bilang midyum ng pagtuturo sa kolehiyo. Ayon din sa CHED, hindi lamang mga guro sa Filipino ang matatanggalan ng trabaho sa kolehiyo kundi maging ang ibang guro na nagtuturo sa lahat ng disiplina.

PAGHIHINUHA

            Batay sa aking ginawang pagtataya sa mga pahayag ng dalawang panig, nalaman ko na ang ginawang pagpapalabas ng CHED ng kautusang nabanggit ay naglalahad lamang ng layuning pag-ibayuhin pa ang kasalukuyang estado ng edukasyon sa ating bansa. Hindi nila layuning sirain o magbigay kiling sa isang panig lamang. Layunin ng CHED na hindi maging suliranin sa pagpapatupad ng programang K-12 ang paulit-ulit na asignatura sa kolehiyo. Ang ginawang hakbang ng CHED para sa bagong kurikulum ay hindi lamang sumasaklaw sa isang asignaturang maapektuhan kundi maging sa lahat ng disiplina sa kolehiyo. Ang iniisip lamang ng CHED ay ang kapakanan ng mga mag-aaral pagdating nila sa senior high school, ito’y ang hindi na magkaroon ng paulit-ulit na nilalaman nang itinuturo sa kolehiyo partikular sa mga asignaturang mas kilala sa tawag na minor subjects.

            Subalit, kahit isinaalang-alang ng CHED ang panig ng mga guro sa Filipino sa kolehiyo ay hindi pa rin ito sapat para sa ‘Tanggol Wika’, ayon sa kanila, walang katiyakan na gagamitin ng mga guro, propesor at mag-aaral sa kolehiyo ang wikang Filipino. Alam nila na isa lamang itong paglihis sa tunay na adhikain ng kautusan. Higit na mas mataas ang pagtingin ng mga Filipino sa wikang Ingles kumpara sa wikang Filipino. Kaya ang pahayag ng CHED na maaaring gamitin pa rin ang Filipino bilang midyum ng pagtuturo ay isang huwad na adhikain lamang. Ayon din sa Tanggol Wika; hindi mahahasa ang kakayahang komunikatibo ng mga mag-aaral kung ang pangunahing kasangkapan – ang wikang Filipino – ay aalisin sa antas tersiyarya. Iniisip din ng ‘Tanggol Wika’ ang mga guro na matagal nang naglaan nang kanilang panahon, pagmamahal sa pagtuturo ng wikang Filipino sa kolehiyo, kung sa pagdating nang panahon ay aalisan lamang sila ng hanapbuhay at pagkakataong ipahayag sa mga mag-aaral ang kanilang kaalaman sa partikular na larang.

            Ang mga guro sa Filipino sa Kolehiyo ay walang katiyakang makakapasok sila sa antas sekondarya pagdating ng 2016. Ito ay sa dahilang wala silang kaukulang lisensiya o patunay tulad ng Licensure Examination for Teachers (LET) na ibinibigay ng PRC upang makapagturo sila sa elementarya at hayskul.


PAGSAGAWA NG PAUNANG PAGLILINAW

            Ang K-12 ay isang programang pangedukasyon na naglalayong baguhin at mas lalong payabungin ang kalidad ng edukasyon sa ating bansa, bilang tugon na rin sa pangangailangan ng pandaigdidigang pakikipag-ugnayan ng pamumuhay at pag-aaral. Ang K-12 ay matagal nang ipinatutupad sa ilang bansa tulad ng Estados Unidos, sa Europa, at ilang bansa sa Asya. Ang K-12 sa Pilipinas ay bago pa lamang sa ating pandinig, subalit lingid sa ating kaalaman na may ilang paaralan na sa ating bansa ang dati nang nagpapatupad ng K-12 curriculum tulad ng De La Salle University, Ateneo de Manila University at iba pang paaralang ibinatay ang kurikulum sa pandaigdigang paraan ng pag-aaral. Ang kurikulum ng K-12 ay isang bagong programa pa lamang na kamakailan lamang ipinatupad at ginamit sa ating bansa. Isa sa naging batayan ng ating pamahalaan partikular sa mga sangay na nangangasiwa sa kalagayan ng edukasyon sa ating bansa sa pagpapatupad ng ilang pagbabago sa estado ng ating edukasyon ay ang K-12 basic education program. Sa bagong kurikulum na ito magkakaroon ng dalawang taong dagdag sa antas sekondarya o senior high school. Ang ilang pagbabagong ito sa hayskul ang siya ring dahilan upang magkaroon ng malawakang pagbabago sa kolehiyo sa ating bansa.

 Ang ilan sa mga asignaturang kinukuha ng mga mag-aaral sa unang taon nila sa kolehiyo ay ibinaba na sa senior high school, ito’y bilang tugon na rin sa layunin ng ating pamahalaan na  ihanda ang ating mga mag-aaral sa mundo ng trabaho o hanapbuhay. Ang isang mag-aaral na nakapagtapos na sa senior high school ay may kakayahan nang magtrabaho dahil may sapat na siyang kakayahan na maghanapbuhay, subalit may pagkakataon pa rin ang isang mag-aaral na makatungtong sa kolehiyo kung kaniyang nanaisin. Dahil sa mga pagbabagong ito lubos na maapektuhan ang mga kolehiyo at pamantasan pagdating ng 2016. Magbabawas ng mga guro, empleyado at bababa ang bilang ng mga mag-aaral na papasok sa kolehiyo, bukod pa rito maaalis din ang ilang asignatura na kinukuha natin sa unang taon sa kolehiyo tulad ng english, literature, communication, natural science, social science, mathematics, philosophy at filipino, at ibaba ito sa antas sekondarya ayon na din sa adhikaing maihanda na ang mga mag-aaral sa pagpasok nila sa kolehiyo.

Subalit, ang pagtanggal ng asignaturang Filipino sa kolehiyo ay hindi tinanggap ng ‘Tanggol Wika’ sapagkat naniniwala sila na hindi ito makakatulong na mas paunlarin ang ating pambansang wika kundi isang paraan upang mas lalong makalimutan ng mga mag-aaral ang tunay na halaga ng filipino bilang ating wika, at paggamit ng ating sariling wika sa paglinang ng kasanayang komunikatibo ng bawat mag-aaral.

Bakit mahalaga ang asignaturang Filipino?


Sa panayam ng bulatlat.com sa iba’t ibang propesor ng Filipino sa mga unibersidad, tinukoy ang mga dahilan kung bakit hindi dapat tanggalin ang nasabing asignatura sa kolehiyo.

Ayon kay San Juan, ang Filipino 2 sa senior high school ay nakatuon lamang sa pagsusulat samantalang ang nasa kolehiyo at pinag-aaralan ang pagsusulat pagbabasa.

“Kailangang malaman na ang pagtuturo ng Filipino sa general eduation curriculum sa kolehiyo ay kaiba sa track-based approach ng Filipino sa senior high school,” ani San Juan. Idinagdag niya na maski ang kulturang Filipino, panitikan, wika at lipunan ay kasama sa tinuturo sa kolehiyo. Naniniwala si San Juan na mas angkop na pag-aralan ang mga pambansang isyu sa sariling wika. Kapag tinanggal ang Filipino, mawawalan ng pagkakataon na pag-usapan ang mga nasabing isyu at magiging socially conservative ang mga mag-aaral pag dating nang panahon.

Ayon naman kay Dr. Antonio Contreras ng DLSU, mas mabilis matuto ang mga mag-aaral kung Filipino ang ginagamit na medium of instruction dahil naiitindihan nila ang lenggwahe.

Sinang-ayunan ito ni Dr. Ernesto Carandang III, tagapangulo ng Filipino Department sa DLSU. “Hindi matatanggal ang Filipino sa kolehiyo dahil ang mga graduate ay nakikipag-usap pa rin sa Filipino,” saad ni Carandang.

Para naman kay Marvin Lai, tagapangulo ng Department of Filipinology sa Polytechnic University of the Philippines, ang pagtatanggal sa Filipino bilang asignatura sa kolehiyo ay katulad ng pagtatanggal sa identidad ng mamamayang Pilipino.

“Naniniwala ang mga guro sa Filipino, na ang wikang Filipino ay wika ng mga intelektwal. Kapag hindi naipapahayag ng mga kolehiyo o ng propesyunal na nililikha ng unibersidad, hindi nila makikita na ang wikang Filipino ang magiging instrumento ng kanilang pagkatao,” sabi ni Lai.

Pinagkunan: The Philippine Online Chronicles.html

            Naniniwala ang mga guro sa Filipino na kahit isinaad sa nasabing kautusan ng CHED na maaaring gamitin ang wikang Filipino bilang midyum ng pagtuturo sa kolehiyo, hindi pa rin ito sapat at hindi nito kayang pantayan ang intelektuwalisadong pagtuturo ng asignaturang Filipino sa kolehiyo. Nangangamba din ang mga linggwista at dalubwika na maaaring magdulot ang mga pagbabagong ito sa asignaturang Filipino sa tuluyang kawalang interes ng mga kabataan sa sarili nilang wika bilang isang midyum na maaari nilang gamitin sa kanilang gagawing pananaliksik o tesis.  Maaari ding mabihag ang mga mag-aaral ng kolonyalistang paniniwala na mas superyor ang wikang Ingles kaysa Filipino, gayong walang wikang itinuturing na superyor sa iba.

Nangangamba din ang mga dalubwika na maaaring maging dahilan ang pagkawala ng asignaturang Filipino sa kolehiyo sa tuluyang pagkamatay at pag-unlad ng ating wika, kahit itinuturing na ang wika ay buhay at dinamiko. Ang isang wika kapag hindi na nabibigyang tuon ng mga dalubhasang nag-aaral dito, ito ay unti-unti nang namamatay dahil wala nang mga pagbabago na nagaganap dito. Kalimitan sa mga pag-aaral na nagaganap sa isang wika partikular sa Filipino ay ginagawa ng mga propesor at dalubhasa na nasa kolehiyo, kung wala nang mga propesor at dalubhasa na gagawa at magpapatuloy nang mga pag-aaral na ito, maaaring isa ito sa maging dahilan ng paghina ng ating wika at paglaganap ng wikang banyaga tulad ng Ingles.

PAGBUO NG HATOL

            Sa kasalukuyan, wala pa ring ilinalabas na anumang desisyon ang CHED kung tuluyan na nga ba talagang aalisin ang asignaturang Filipino sa mga kolehiyo sa buong bansa. Patuloy na naghihintay ang mga propesor, guro at mag-aaral sa ilalabas na desisyon ng CHED, iginiit nila na hanggang sa huli, ipaglalaban nila ang kanilang karapatan at ipagtatanggol nila ang asignaturang Filipino na matagal nang itinuturo sa mga kolehiyo sa buong bansa.

            Batay sa aking isinagawang pag-aaral sa pahayag ng dalawang panig: CHED at ang ‘Tanggol Wika’, masasabi ko na parehas silang may magandang layunin na mas mapaunlad at mabago ang kalidad ng edukasyon sa ating bansa. Iniisip nila hindi lamang ang kanilang sarili kundi pati na rin ang kapakanan ng mga mag-aaral na siyang lubos na maapektuhan ng mga pagbabagong ito sa estado ng edukasyon pagsapit ng taong 2016. Hangad ng dalawang panig ang isang bansang may intelektuwalisadong kalidad ng pag-aaral na sasagot sa mababang antas ng ating bansa sa larang ng edukasyon sa pandaigdigang kompetisyon. Subalit, para sa akin mas sumasang-ayon ako sa panig ng ‘Tanggol Wika’ o ang mga propesor, guro at mga mag-aaral na nagmamahal at nagtatanggol ng asignaturang Filipino sa kolehiyo. Ito’y sa kadahilanang ang Filipino sa antas sekondarya ay hawig lamang sa mga asignaturang ibinibigay sa kolehiyo, subalit higit na maituturo sa mga mag-aaral ang asignaturang Filipino sa intelektuwalisadong paraan kung ito ay ituturo sa kolehiyo. Sapagkat, ang mga gurong magtuturo nito ay higit na may sapat na kaalaman at kabatiran sa wikang Filipino. Wala ding katiyakan na kapag naibaba ang asignaturang Filipino sa senior high school ay maituturo ito nang mabuti sa mga mag-aaral. Maaaring maihalintulad lamang ito sa nangyayaring pagtuturo ng Filipino simula sa elementarya at sekondarya, kung saan hindi masyadong naipaliliwanag ng guro ang nilalaman ng ating wika dahil, kulang at hindi sapat ang kanyang kaalaman at kabatiran sa wikang Filipino. Ang pagkawala din ng asignaturang Filipino ay isang hudyat ng paghina ng wikang Filipino sa ating bansa. Maaari ding maging hudyat ito ng kawalan ng interes at tuluyang pagkawala ng mga mag-aral na kumuha ng kursong Bachelor of Secondary Education, na nagpapakadalubhasa sa asignaturang Filipino sa kolehiyo at maging isang pitagang guro ng Filipino balang araw.

            Kahit ano man ang maging pasya ng ating pamahalaan sa isyu ng pagtanggal ng Filipino bilang asignatura sa kolehiyo. Kailanganin nating isaalang-alang na hindi na ang mga guro, propesor, at dalubhasa ang manginginabang sa pag-aaral ng asignaturang ito pagdating nang panahon kundi ang ating mga kabataan na nagsusumikap na mabigyan at magkaroon ng magandang kinabukasan ang kanilang pamilya at ang ating bansa. Tandaan pa rin natin na ang layunin ng K-12 Basic Education Program, ay pag-ibayuhin ang kalidad ng edukasyon sa ating bansa, at hindi ang wasakin ang nasimulan na nang ating mga ninuno noon pang panahon. Sa ganito ring pagkakataon, nakikita natin ang pagkakaisa nating mga Filipino bilang isang bansang nagtatanggol sa ating inang wika, ang wikang atin nang kinagisnan.


“Ang hindi magmahal sa sariling wika, ay higit pa sa malansang isda.”
-      Jose Rizal




Batayan:
v  The Philippine Online Chronicles.com
v  Pinoy Weekly. com


No comments:

Post a Comment