Sunday, 10 May 2015

Lathalaing Pangkasaysayan:




Pagoda: Simbolo ng Pananampalataya sa Bocaue
Christian Albert B. Badian



Naalala n’yo pa ba ang malagim na trahedya na nangyari sa prusisyon ng banal na Krus ng Wawa sa Bocaue, Bulacan? Naalala pa ba ninyo ang paglubog ng pagoda na ginagamit sa prusisyon ng banal na krus? O nakikilala niyo pa ba si Sajid Bulig, ang batang halos itinuring ng bayani sa nagyaring trahedyang ito?

            Tumatak na sa kasaysayan ng Pilipinas lalo na sa Bocaue, Bulacan ang nagyaring trahedya noong ika-2 ng Hulyo, 1993 na ikinamatay ng hindi bababa sa 266 katao. Naging laman ng balita ang pangyayaring ito hindi lamang sa Pilipinas kundi pati na rin sa buong mundo. Sino ba naman ang makakalimot sa masalimuot na pagkamatay ng daang-daang katao dahil lamang sa isang kwitis na sinasabing naging dahilan kung bakit nangyari ang insidenteng ito.

            Naging tradisyon na sa Bocaue, Bulacan ang pagdiriwang sa pagkakatuklas ng isang kahoy na krus na natagpuan ng isang mangingisda sa ilalim ng lawa ng Wawa, dalawandaang taon na ang nakalilipas. Ayon sa mga naninirahan dito, ito din ang lumulutang na krus na pinaniniwalaang nagligtas sa isang nalulunod na babae sa lawa. Simula noon ay marami nang milagro ang nangyari sa kanilang bayan. Biniyayaan ng kasaganahan ang sinuman na manampalataya sa krus na naging simbolo ng pagpapakasakit ng ating panginoong si Hesukristo.

            Naging tradisyon na ng mga katoliko sa simbahan ng San Martin de Porres ang pagkakaroon ng isang Fluvial Procession ng replica ng banal na krus sa ilog ng Wawa. Ginaganap ang prusisyong ito tuwing unang lingo ng hulyo, kung saan mayroong isang malaking bangka na napapalibutan ng mga palamutiang ginagamit sa prusisyon, ito din ay pinangungunahan ng mga maliliit na bangka upang ito’y mabilis na umusad.

             Nakagawian na rin ng mga tao roon na sumakay sa napakalaking pagodang ito sa layong matutupad raw ang kanilang mga kahilingan kapag nakasampa sila sa pagoda. Ngunit, ang pagsakay ding ito ng daang-daang katao ang siya ring naging dahilan kung bakit marami ang namatay sa kapistahan ng banal na Krus ng Wawa. Ayon sa mga nakasaksi, noong ika-2 ng hulyo, 1993 sa ganap na 8:15 p.m ay nangyari ang malagim na trahedya na ikinamatay ng halos 200 katao. Ang naging dahilan ng paglubog ng bangka ay ang pagkukumpulan ng napakaraming tao sa isang bahagi ng bangka na siyang naging dahilan kaya bumigay ang bahaging iyon at nawalan ito ng balanse. 

            Ang puno’t dulo ng trahedyang ito ay dahil sa isang pinaniniwalaang kwitis na bumagsak sa mismong pagoda kung saan halos isang libong katao ang nakalulan. Karamihan ng mga namatay sa trahedyang ito ay mga matatanda at mga bata. Pagkatapos rin ng malagim na pangyayaring ito ay hindi na muling umusad ang pagoda ng wawa sa kapistahan nito sa loob ng dalawampung taon.

            Ngayong 2014, muling ibinalik ng mga deboto at ng simbahan ang prusisyon ng pagoda pagkatapos nilang makabuo ng mga safety measures  na mahigpit na susundin sa prusisyon. Bumuo rin sila ng isang panibagong pagoda na tinatayang may sukat na 48 talampakan ang taas, mas maliit kumpara sa una na tinatayang 63 talampakan ang taas, inilagay din ang ginawang pagoda sa tatlong malalaking bangka na nagmula pa sa Malabon. Ang kahoy rin na ginamit dito ay mas pinatibay pa ng mga bakal. Linimitahan na din ang mga deboto na maaring sumakay sa pagoda, tanging 250 deboto lamang ang maaring sumakay sa pagoda, kailangan din muna nilang magrehistro at magsuot ng lifevest upang masiguro ang kanilang kaligtasan. Ang prusisyon ay isinagawa din ng umaga, hindi tulad noon na gabi, ito’y upang madaling maagapan kung sakali man na may mangyayaring sakuna sa daloy ng prusisyon.

            Sa ngayon, ay matagumpay na naidaos ang pagdiriwang at ang prusisyon ng pagoda ng banal na Krus ng Wawa. Nawa’y maging simula na ito na mga susunod pang mga pagdiriwang sa Bocaue, Bulacan. At maging hudyat na rin ito para makalimutan na ang malagim na nakalipas.

No comments:

Post a Comment