Janitor ng Lansangan
Madalas nating
tawagin ang mga taong naglilinis sa ating mga lansangan bilang mga “janitor” o
“janitress” o kaya'y mga "Street Sweeper." Sila ang mga taong nagpapanatili ng kalinisan sa ating mga
lansangan araw-araw. Bago pa man sumikat ang bukang-liwayway, nakikita na natin
ang ating mga tagapaglinis sa mga lansangan hanggang sa pagkagat ng dilim nakakalat
pa rin sila sa mga lansangan, nagwawalis at inaalis ang mga dumi sa lansangan.
Karamihan sa kanila ay nakasuot ng “sweatshirt/jacket”, nakasomberong tila
salakot, may walis tingting na may nakasuksok na patpat upang makatulong sa
kanila upang hindi masyadong payuko-yuko at may hila-hilang malaking basurahan
na may gulong sa ilalim. Kung ating tatanungin ang mga taong ito kung magkano
ang kanilang kinikita sa maghapong paghahanap-buhay, isa lamang ang kanilang
isasagot. Kakarampot! Sapat na ang pantawid nila sa isang araw sa kanilang
buhay. Hindi man lamang nila mabilhan ng bagong damit ang kanilang mga anak. Dugo
at pawis ang kanilang iniaalay sa paghahanap-buhay na ito, subalit hindi man
lamang sila nabibigyan ng sapat na pagpapahalaga ng ating pamahalaan at lipunan.
Masyado nga bang minamaliit ng ating lipunan ang mga ika nga’y “Janitor ng
Lansangan.”
Hamak
man ang pagtingin ng ilan sa atin sa kanila, malaki pa rin ang bahaging
ginagampanan nila sa ating lipunan. Sinasaluduhan ko ang mga ika nga’y “janitor
ng lansangan”, sapagkat sa pamamagitan nila nagkakaroon ng kaayusan sa ating mga
lansangan. Sa kabila ng kakarampot nilang kita ay patuloy pa rin sila sa
paghahanapbuhay. Isang pagpapatunay na hindi nila batid ang hirap at pagal na
nararamdaman, mabigyan lamang ng magandang kinabukasan ang kani-kanilang
pamilya. Sa kabila ng mga pang-aalipusta, panlalait at mga panghahamak na
kanilang nararamdaman mula sa mga taong nagdaraan ay tuloy-tuloy pa rin sila sa
paglilinis. Pagpapakita lamang ito na hindi nila alintana ang mga panlalait,
pangyuyurak sa kanilang pagkatao mula sa mga taong walang magawa sa kanilang
buhay. Alam nila na ang kanilang paghahanap-buhay ay marangal. Bawat baryang
kanilang natatanggap ay katumbas ng bawat butil ng pawis na kanilang sinasapo
sa tutok na init ng araw. Kakarampot man ang kanilang kinikita sa maghapong paglilinis
ng lansangan. Alam nilang galing ito sa malinis na paraan, kanila itong
pinagpaguran. Hindi tulad ng ilan sa ating mga kababayan na naaatim na manguha
ng mga bagay na hindi naman sa kanila, nagnanakaw sa kaban ng bayan matustusan
lamang ang kanilang makamundong pagnanasa sa mga bagay na materyal. Kaya sa
ating mga tagapaglinis ng lansangan. Maraming salamat po!!! J J
No comments:
Post a Comment