Pilat
sa Pilak ni Eugene Y. Evasco
Isang Pagsusuri ng mga Personal na Sanaysay
Christian Albert B. Badian
Panimula
Layunin ng pagsusuring aklat ang malimi
at makilala ang mga naging kalakasan maging ang kahinaan ng isang limbag na
aklat. Sa pagsusuring ito, nahihimay-himay ng isang tagapagsuri ang mga salik
kung bakit ito naisulat ng may-akda. Kailangang magkaroon ng mga pagsusuri sa
mga limbag na aklat upang magkaroon ng kabatiran ang manunuri hindi lamang sa
pagkakabuo ng aklat kundi maging sa buhay at interes ng may-akda. Sa
pagsusuring aklat na ito ating bibigyang-tuon ang mga naging pamamaraan ng
may-akda na si Eugene Evasco, upang maisulat niya ang koleksiyon ng mga
personal na sanaysay na ito. Tutukuyin din natin kung ano-ano ang mga naging
salik upang maituring ito bilang isang obra at kung bakit ito ginawaran ng ‘di
mabilang na pagkilala at parangal.
Kaligiran ng Aklat
Ang
“Mga Pilat sa Pilak” ay isang limbag
na aklat ni Eugene Y. Evasco na naglalaman ng kalipunan ng kaniyang mga personal
na sanaysay. Sa mga personal na sanaysay na ito mababakas ang naging
pakikipagsapalaran sa buhay ng may-akda. Ang aklat na ito rin ay naglalaman ng
mga personal na sanaysay ni Evasco na nagkamit ng hindi mabilang na gantimpala
at pagkilala. Una na nga rito ang pinakamalaking pagkilala na maaaring makamit
ng isang akdang pampanitikan sa Filipinas, ang “Don Carlos Palanca Memorial
Award” kung saan nakuha nito ang unang gantimpala para sa Sanaysay noong 2001. Nailathala at naipresenta na rin ang ilan sa
sanaysay na ito sa iba’t ibang palimbagan tulad ng mga Magazine, Journal at
Talumpati.
Masasabi kong,
isa ito sa mga aklat at mga likhang pampanitikan na maituturing kong “Obra
Maestra” sapagkat nagtataglay ito ng diwa at himig na bihirang makita sa mga
sanaysay noon at ngayon. May kakaibang pamamaraan ang may-akda sa paglalahad
niya ng kaniyang mga idea o kaisipan sa bawat sanaysay. Kumbaga sa isang
inumin, “may kakaibang guhit na taglay”
ang mga sanaysay na ito.
Pagsalat sa Pilak
Mababakas sa
aklat na ito ang malayang pamamaraan ng paglalahad ng may-akda. Bilang nasa
unang panauhan ang karamihan sa kaniyang mga katha, maituturing ko ito bilang
isang katha na parang nakikipag-usap sa kaniyang mga mambabasa. Naging
malikhain ang paraan ng paglalahad ng may-akda sa kaniyang mga idea o kaisipan.
Iniugnay niya ang bawat idea sa kaniyang mga personal na karanasan, partikular
sa kaniyang buhay bilang isang anak, kapatid, katipan, guro at mamamayan ng
ating bansa. Sa tulong ng mga pag-uugnay na ito, maayos na nabibigyang-buhay ng
may-akda ang mga kaisipan na nais niyang malinawan sa mga mambabasa. Mainam ang
naging pag-uugnay ng may-akda sa mga naging karanasan niya mula sa kaniyang
kamusmusan hanggang makamit niya ang mga pangarap na kaniyang inaasam.
Mababatid din sa mga sanaysay ng may-akda ang paglalapat niya ng mga ngangayuning
paksa. Hindi bumatay ang may-akda sa mga paksa at usapin na nabaon na sa limot
bagkus binigyan niya ng mga kasalukuyang usapin at paglalarawan ang kaniyang
mga kaisipan. Dahil dito, madaling naiugnay ng mambabasa ang mga kaisipan at
idea sa kaniyang buhay sa pamamagitan ng mga sitwasyon na binanggit ng
may-akda. Ika rin ng isa sa mga tagapagsuri ng aklat, ito ay ngangayunin
subalit panghabampanahon. Partikular man ang tuon ngunit unibersal ang tema.
Hindi rin
naiwasan ng may-akda ang gumamit ng mga panunuligsa sa mga sanaysay. Dalawang
paraan ang ginamit na panunuligsa sa mga sanaysay. Una, paggamit niya ng mga
simbolismo sa panunuligsa. Sa paggamit niya ng mga simbolismo, malinaw niyang
binatikos ang mga tao na naging dahilan kung bakit niya dinanas ang hirap sa
kaniyang buhay at sa mga pagkakataong naging lunan at inspirasyon ng may-akda upang
mabuo niya ang bawat sanaysay. At ang ikalawa ay ang tuwirang panunuligsa, ilan
lamang sa mga ginamitan ng may-akda ng mga tuwirang panunuligsa ay ang mga
katha niyang “Agaw-buhay” at “Kilometro Zero ng Isang Lagalag na taong-Bahay.”
I.
Mga Pilat sa
Pilak
Estilo:
Palagayan ang
paglalahad ng may-akda sa mga detalye ng kaniyang sanaysay na ito. Linapatan
niya ito ng mga nakakatuwang pangyayari na naganap sa kanilang pamilya. Naglahad
din ng kaniyang mga paghihinanakit o himutok ang may-akda sa kaniyang mga
magulang at sa buhay na kanilang naranasan. Minsa’y nagtanim ng poot ang
may-akda sa kaniyang mga magulang ngunit sa halip na paghihiganti ang kaniyang
iginawad ay inalala niya na lamang ang mga mabuting dahilan ng kanilang
magulang kaya nila ito nagawa. Ibinulalas ng may-akda ang mga bagay na
ipinagkait sa kaniya mula sa kaniyang pagkabata. Inihambing niya ang kaniyang
sarili sa isang “batang nawalan ng sariling kabataan.” Sa sanaysay na ito,
hindi lamang binalikan ng may-akda ang kaniyang buhay mula sa kaniyang
kamusmusan hanggang sa pagtanda, kundi maging ang pinagmulan ng kaniyang mga
magulang, ang kanilang mga karanasan mula pagkabata hanggang sa makabuo sila ng
pamilya. Tila isang “diary” o
talambuhay ang sanaysay na ito ng mga nakalimbag na karanasan ng may-akda at ng
kaniyang pamilya. Gumamit din ang may-akda ng paghahambing sa buhay nilang
pamilya niya noon at sa kasalukuyan.
Tumatak na Linya:
“Nakakalungkot
at hinagkan lang ng alikabok ang mga kasangkapang iyon at nang minsang
sinubukan naming gamitin ay ayaw nang gumana.”
v Ilinalarawan
sa pahayag na ito ang mga bagay na napaglipasan na ng panahon at nang dumating
na ang pagkakataon kung saan kailangan na itong gamitin ay hindi na
mapapakinabangan. Ang mga bagay na nagdaan kapag muling binalikan ay maaaring
hindi na kasingganda at kakulay tulad ng una natin itong makita. Mabakas man
ang panghihinayang sa mga bagay na ito, kailangan nating matutong magpalaya at
makalimot.
“Nakalipas na ang panahon ng kirot
at pasakit. Haharapin ko ngayon ang kasalukuyan. Dahil ako ang nakakaunawa at
nakababatid, ako ang dapat gumawa ng paraan upang ituwid ang mga pagkakamali sa
maayos na paraan.”
v Tapos na ang
panahon ng pagpapakasakit. Panahon na upang muling bumangon sa sinapit na
pagkakalugmok. Bilang may mas kakayahan upang maituwid at bumangon sa
pagkakalugmok na ito, tayo na ang mamuno sa muling pagbangon. Tayo na ang
magpamulat sa iba kung alin ang tama at mali.
Damdaming Nangingibabaw:
Lantad sa mga
pahayag ng may-akda sa sanaysay na ito ang mga himutok na kaniyang nararamdaman
sa mga magulang. Sa halip na magtanim siya ng sama-ng-loob sa kaniyang mga
magulang ay inunawa niya na lamang ang mga ito at inalala ang mga mabuting
karanasan kasama ang buo nilang pamilya. Kahit may mga bahagi ng sanaysay na
naglalahad ng mga hinaing, may mga bahagi pa rin na lubhang nakakatuwa dahil sa
paglahok ng mga kakatuwang karanasan ng may-akda kasama ang kaniyang pamilya.
II.
Dalaw
Estilo:
Paglingon sa pinag-ugatang pamumuhay
mula sa makipot, mainit at maingay na Maynila hanggang sa paglipat sa bagong
tahanan sa kanayunan. Ilinahok din ng may-akda ang kaniyang mga ‘di
malilimutang karanasan sa Maynila, inaalala niya ang mga sandali sa buhay ng
kanilang pamilya sa likod ng maingay na lungsod at inihambing ito sa kanilang
buhay sa bagong bahay na nilipatan sa Antipolo. At ang paglalahad ng may-akda
sa gagawing pagsisimula ng bagong yugto ng kanilang buhay sa isang bagong
tahanan sa Antipolo.
Tumatak na Linya:
“Anuman ang
pagkamingaw sa lumang tahanan, kailangan ko nang harapin ang hamon: may bago na
kaming tahanan.
v Ipinapaalala
nito na kahit gaano man natin gustong balikan ang nakalipas ay hindi na natin
maaaring magawa. Kailangan nating magpatuloy sa ating buhay. Ang mga ito ay
mananatili na lamang sa ating alaala at ang pagharap sa mga bagong hamon na
ating bubunuin ang kailangan nating bigyan ng tuon sapagkat dito tayo bubuo ng
mga bagong alaala sa ating buhay.
Damdaming Nangingibabaw:
Pangungulila sa dating lunan kung
saan hinubog ang kaniyang pagkatao at kung saan siya namulat sa mga tunay na pangyayari
sa ating paligid. Itinuturing din ng may-akda na isang turista ang kaniyang
sarili sa bagong tahanan. Tila mga bagong magulang ang kaniyang kinakaharap sa
bagong tahananang ito. Nakakaranas siya ng pagkamingaw sa mga bagay na kinagsinan
mula sa kaniyang pagkabata dahil kailanman ay hindi niya na ito muling magagawa
o mararanasan sa bagong bahay ng kaniyang pamilya sa bayan ng Antipolo.
III.
Ang Pagtatapon ng mga Kasangkapan
Estilo:
Sa paglalahad
ng may-akda sa kaisipan ng kathang ito, ginamit niya ang mga nasira,
unti-unting nasira at hindi man lamang nagamit na kagamitan bilang simbolo ng
buhay ng tao. Iniugnay niya ang mga kasangkapang ito sa kanilang buhay, kung
saan lahat ng tao sa mundo tulad ng mga bagay ay darating ang panahon kung saan
kailangan na nitong mamahinga at magpaalam. Ginamit niya ang mga kasangkapang
ito upang muling gunitain ang kaniyang buhay noong panahon na nagsisimula pa
lamang siya at ang kaniyang pamilya sa Maynila.
Tumatak na Linya:
“Kaya nga
magandang panuntunan sa buhay na habang gumagana ang kasangkapan, pakinabangan.
Gamitin nang lubos. Huwag itatabi sa isang sulok.
v Nais ipabatid
ng may-akda sa kaniyang mga mambabasa na matutong pahalagahan ang mga bagay na
mayroon sila. Gamitin at huwag lamang ipagsasantabi ang mga bagay na ito
sapagkat baka dumating ang pagkakataon na nais na natin itong gamitin ay hindi
na natin magawa dahil ito ay nasira na.
“Paglaon,
hihigpit ang kapit mo sa isang bagay. Halos magiging bahagi na ito ng iyong
katawan.”
v Binigyang-tuon
ng may-akda sa sanaysay na ito ang pagiging sentimental ng tao o ang labis na
pagpapahalaga niya sa mga bagay na kaniyang pag-aari. Ika nga, mahirap ang “maglet-go” sa mga bagay na lubos na
mahalaga para sa atin. Lubos nating dadamdamin at tayo’y makadarama ng sakit
pagdating ng panahon na kailangan na natin itong ibaon sa limot o itapon.
Damdaming Nangingibabaw:
Dito pinagnilayan ng may-akda kung bakit napakahirap
para sa isang tao na magtapon ng mga sirang kagamitan gayong wala na naman
itong silbi o hindi na ito kailanman magagamit. Nagtatanong ang may-akda kung
bakit mahirap para sa kaniyang mga magulang na itapon ang mga kagamitang wala
na namang silbi o halaga. Ang mga tao ay may sentimental na pagpapahalaga sa
mga bagay na naging katuwang na nito sa kanilang buhay. Mahirap pakawalan ang
isang bagay na naging bahagi na ng ating buhay.
IV.
Mga Selyo at
Libro
Estilo:
Inilahad sa sanaysay na ito ng
may-akda ang kuwento ng pagkahilig niya sa pangongolekta ng mga selyo mula sa
iba’t ibang tao, tanggapan at bansa. Inilahad niya sa malikhaing paraan kung
ano ang proseso na kaniyang ginagawa upang maayos na maalis ang selyo mula sa
mga sobre at kahon na hindi napupunit o nasisira. Subalit, nahinto ang
pagkahilig niyang ito dahil sa pagpipigil ng kaniyang mga magulang. Ihinambing
niya ang pagkahilig niya sa pangongolektang ito ng mga selyo, noong kaniyang
kabataan at ngayong tumanda na siya. Ilinarawan din ng may-akda kung paanong
unti-unting naglalaho ang pagkahilig ng tao sa mga selyo partikular sa
pagpapadala ng liham sa koreo dahil sa mga pagbabagong nagaganap sa moda ng
komunikasyon. Naging paraan din ang pangongolekta ng selyo ng may-akda upang
matukoy niya kung gaano kaunlad ang isang bansa sa aspekto ng ekonomiya,
likas-yaman, likhang-sining, estado sa lipunan at maging sa kanilang pakikibaka
sa mga bansang nagparanas sa kanila ng karahasan.
Tumatak na Linya:
“Nakaramdam akong iba na ang sigasig ko sa mga selyo.
Hindi na tulad ng dati ang pagkakasabik. Nakalulungkot. Hindi ko alam kong kung
paano ibabalik ang dating pagkarahuyo.”
v Ang isang bagay na kinagisnan
at kinahiligan, kapag nahinto ay hindi na katulad ng dati ang sabik na
nararamdaman. Sa halip na tayo’y magalak dahil sa muling pagkabuhay ng ating
nakaraang interes ay tila nakakaramdam tayo ng kaibahan at kawalan ng saya na
dati nating nararamdaman tuwing ginagawa ang kinahiligang ito. “Ang bagay na
matagal na ipinagkait kahit anong gawin mong pagbabalik ay hindi na makakamit.”
Damdaming Nangingibabaw:
Nagkuwento ang may-akda hinggil sa
kinahiligan niyang pangongolekta ng mga selyo at pagbabasa ng mga aklat na
pambata noong kaniyang kabataan. Subalit dahil pansamantalang nahinto ang
pagkahilig niyang ito dahil na rin sa pagpipigil ng kaniyang mga magulang,
hindi na nanumbalik ang kakaibang saya at pananabik tuwing ginagawa niya ang
ganitong mga gawain. Linukob din siya ng panghihinayang dahil sa unti-unting
paglaho ng “snail mail” bilang moda
ng komunikasyon dahil na rin sa patuloy na pag-unlad ng teknolohiya sa buong
mundo. Ilinarawan din ng may-akda ang kawalan ng pagpapahalaga ng mga Filipino
sa isang likhang-sining tulad ng mga selyong ito, bilang simbolo o paglalarawan
ng ating bansa. Ayon sa may-akda, hindi marunong ang mga Filipinong magmalaki
sa mga likhang-sining sa ating bayan dahil sa maliit pa lamang na paraan tulad
ng mga selyo ay hindi nila magawang ilapat ang mga obra ng mga Filipino at yaman
ng ating bansa sa aspekto ng sining ng pakikipagkomunikasyon.
V.
Pagsalok sa
Antigong Balon
Estilo:
Gumamit ang may-akda ng simbolong
“balon” bilang paglalarawan niya sa isang bukal ng karunungan na kinakailangan
ng isang manunulat sa pagsusulat. Simbolo ang balon na ito ng sariling pagkakakilanlan
ng mga manunulat sapagkat dito nababatid ng mga mambabasa kung saang wika,
kultura at pamayanan kabilang ang manunulat. Sa kaniyang paglalahad, nabatid ng
may-akda na wala siyang maituturing at maaangking sariling balon sapagkat
nakasalalay at sumasangguni lamang siya sa mga katha ng iba pang manunulat.
Ilinalapat niya ang mga bagong salitang kaniyang natutuhan mula sa ibang
kultura na kaniyang pinuntahan o nabasa subalit hindi niya ito maaangkin at
maituturing na kaniya. Tinuklas din niya ang mga probinsiyang pinagmulan ng kaniyang
mga nuno subalit wala niisa man dito ang naging pangunahing lunan niya sa
pagsusulat.
Tumatak na Linya:
“Kay tagal
kong dinamdam na wala akong sariling balon. Kay tagal kong inasam ang
pagtataglay ko ng sariling bukal.”
v Mababatid sa
pahayag na ito ng may-akda ang paghahanap niya ng sariling bukal na
mapaghahanguan ng kaalaman at karanasan na kaniyang mailalapat sa mga
isinusulat niyang akda.
“Nauubusan na
rin ng manamis-namis na tubig ang pansarili kong balon, kung ang depenisyon ng
balon ay iyong inaangkin mong uniberso ng sariling karanasan mula pagkabata
hanggang kasalukuyan.”
v Isa sa
pangunahing suliranin ng isang manunulat ang kasalatan niya sa mga paksain na matatagpuan
lamang sa mga lunang malayo sa pamayanang kaniyang kinabibilangan. Kung patuloy
na sasangguni lamang ang isang manunulat sa kaniyang sariling karanasan, sa
halip na maging itong isang malikhaing katha ay maibilang na lamang ito sa mga
katha na kabilang sa mga talaarawan at journal
ng kaniyang buhay.
Damdaming
Nangingibabaw:
Mababakas sa sanaysay na ito,
ang paghahanap ng may-akda ng isang balong kaniyang mapaghahanguan ng mga
kaalaman at karanasan. Isang bukal na kaniyang magiging inspirasyon sa
pagsusulat. Kahit itinuturing niya ang sarili bilang isang manunulat ay batid
niya pa rin ang kakulangan na kinakailangan ng isang manunulat upang maging
malikhain at kawili-wili ang bawat kathang kaniyang mabubuo. Ramdam niya ang
kawalan niya ng sariling pagkakakilanlan sa larang ng pagsusulat. Sumasangguni
lamang siya sa kaniyang sariling karanasan, kaalaman, pananaliksik at ibang
manunulat, subalit ang natural na balon ng kaniyang pagkakakilanlan ay hindi pa
niya nasusumpungan.
VI.
Pagtula sa mga
Bulaklak
Estilo:
Binigyang-tuon
ng may-akda sa sanaysay na ito ang pag-uugnay ng tao, lipunan at panitikan sa
pagbuo ng mga malikhaing katha. Naglahad ang may-akda ng ilang sitwasyon kung
paano makasusulat ng isang akda ang isang manunulat na nakabatay sa masining na
paglalahad ng kaisipan kaugnay ang kaniyang kapaligiran. Tinuligsa rin niya ang
ilan sa kaniyang mga naging guro, kung saan pinipilit ang kanilang mga
mag-aaral na magsulat sa mga paksaing, hindi angkop at naaayon sa antas ng
kanilang kaalaman. Binatikos ng may-akda ang mga taong ito na ginagawang “mensaherong
manunulat” o tagapag-ulit ng Kasaysayan ang kanilang mga mag-aaral sa
pamamagitan ng muli nitong pagsusulat. Inisa-isa rin niya mga naging sanggunian
at karanasan bilang manunulat upang makabuo ng mga kathang malikhain at
malalaman partikular sa mga bagay at instrumento ng paglalarawan ng ating
kasaysayan bilang Filipino. Tinuligsa rin niya ang mga Filipino sa kawalang
pagpapahalaga nito sa mga bagay na nagsasalaysay ng ating kasaysayan (mga buto,
artifact/s at mga kagamitan ng ating mga ninuno) na naging instrumento ng may-akda
upang mabigyan niya ng linaw ang bawat kathang isusulat ukol sa kasaysayan.
Tumatak na Linya:
“Batid ko noong umuugong ang
alingawngaw hanggang sa maisalin sa aming mga nakababata ang dugo ng naunang
henerasyon ng manunulat.”
v Nawawalan ng
sariling pagkakakilanlan ang mga makabagong manunulat dahil sa paggaya nila sa
mga katha ng mga naunang manunulat. Hindi na nila nahahasa ang sariling
pagkatha. Naging paulit-ulit na lamang ang mga paksaing pinag-uusapan at
nawawalan na ng kabaguhan sa mga sulatin ng ating mga makabagong manunulat.
“Batid kong
nasa kagampanan ang lamukot ng aking kamalayan: daraanin ko sa maririkit na
salita ang talim at talas ng pagsipat sa paligid. Mamumulaklak ang tinig at
panatang iyon habang isinasaboy ang mga talutot sa pagi-pagitan ng taludtod ng
sariling pagtula at paglikha.”
v Mahalaga sa
isang manunulat ang magkaroon siya ng sariling tinig sa pagsusulat ng kaniyang
mga katha. Ito ang nagsisilbing pagkakakilanlan na magbubukod-tangi sa kaniya
sa iba pang mga manunulat. Ang pagiging malikhain sa bawat talatang kaniyang
isinusulat ang mag-iiwan ng bakas ng pagkakakilanlan kahit sa isang bagong
tubong manunulat.
Damdaming
Nangingibabaw:
Gustong
makaalpas ng may-akda sa tanikalang mahigpit na nakatali sa kaniya bilang isang
manunulat. Nais niyang mamulat ang mga katulad niyang manunulat sa marami pang
paksaing kailangang bigyang-tuon sa ating lipunan bukod sa mga paulit-ulit na
paksang pinag-uusapan sa mga isinusulat ng mga makalumang manunulat. Panahon na
upang mangibabaw ang kritikal at malikhaing pag-iisip ng mga manunulat. ‘Ika
nga, panahon na upang “lumabas sa saya” ng mga manunulat ng nagdaang panahon.
Nais ng may-akda na magkaroon ng sariling tinig ang mga makabagong manunulat.
Nais niyang pagdating ng panahon, makikita niya ang mga kapuwa manunulat na may
iba’t ibang estilo o pamamaraan sa pagsulat.
VII.
Mga Saranggola
sa Tag-ulan: Isang Pag-akda sa Pagkabata
Estilo:
Masakit para sa isang bata ang
ipagkait ang kaniyang kabataan. Ito ang naging daing ng may-akda kaya niya
naisulat ang sanaysay na ito. Ikuwenento niya ang mga naging mapapait na
karanasan sa kaniyang kabataan. Naglahad siya ng kaniyang mga himutok hinggil
sa mga bagay na ipinagkait sa kaniya noong panahon ng kaniyang kamusmusan. Muli
niyang inalala ang mga karanasan sa kaniyang pagkabata. Sa kaniyang imahinasyon,
ikinubli niya ang isang arketipong batang lalaki, ang naging “alter-ego” ng manunulat hinggil sa
pagpaparanas ng mga bagay na ipinagkait sa kaniya noong mga panahong ito. Tila
isang multo ng nakaraan na patuloy umuusig sa pagkatao ng may-akda ang malupit
niyang kabataan. Bilang isang manunulat na may pagpapahalaga sa mga akdang
pambata, binatikos niya ang mga manunulat na isinasantabi at patuloy na
nagbabalewala sa sa mga akdang pambata at nagbibigay ng mababang turing sa mga
aklat na ito. Naglahad siya ng mga kongkretong detalye ukol sa pagsasantabi ng
mga manunulat sa isa ring sining ng pagsulat ng mga akdang pampanitikan. Ihinambing
din ng may-akda ang estado ng akdang pambata sa Filipinas at mga akdang pambata
sa iba’t ibang panig ng mundo. Nais ng may-akda na mamulat ang mga Filipino sa
tunay na aspekto ng kabataan, malayo sa isang huwad na paniniwala na ang bata
ay isang miniature adult o isang bersiyon
lamang ng matatanda. Isinusulong ng may-akda na pahalagahan ng mga Filipino ang
ating kabataan bilang malaking bahagi ng lipunang ating kinabibilangan. At
higit sa lahat, hangad ng may-akda na makapagluwal ang ating bayan ng mga
manunulat at mambabasa na magtatanggol sa kabataan at sa ating panitikan.
Tumatak na Linya:
“Pinakamasakit
na karanasan sa isang bata ang pagpaslang sa kanilang pagkabata. Tinutukoy ko
rito ang panahong inawat na sila sa pagiging bata para magkaroon ng pakinabang
sa kanilang mga magulang.”
v Masaklap na
karanasan sa isang bata ang mawalan ng pagkakataon na maranasan ang dapat na
ginagawa ng isang bata. Sa Filipinas, talamak ang isyu ng child labor, kung
saan sa murang-edad ng ating kabataan ay batak na sila sa mga gawaing
pangmatanda. Sa halip na ipasok sa paaralan upang makapag-aral ay isinasama sa
bukirin, palengke at iba pa. ang mga bata upang tumulong sa paghahanapbuhay. Nakakalungkot
lamang sa tuwing maiisip ko na hindi nararanasan ng isang bata ang mga bagay na
naaayon sa kaniyang ninanais. Sana’y dumating ang panahon na makikita ko ang
kabataan na malaya at masaya.
“Ang Pagdadalantao
ng manunulat para sa bata ang nagbubukod sa mga tao sa lahat ng nabubuhay sa
uniberso. Sapagkat tanging tao lamang ang nakapag-aakda ng mga kuwento o
nakapagkukuwento para sa kaniyang mga anak. At ito ang dahilan kung bakit tayo
may lisensiyang tawaging tao.”
v Pahalagahan
sana natin ang kabataan. Gawin natin ang mga bagay na kanilang ikasasaya. Sa
munting paraan tulad ng pagkukuwento ng mga akdang pambata, naipapakita natin
sa kanila ang halaga nila sa ating lipunang ginagalawan.
Damdaming Nangingibabaw:
Nalulungkot ang may-akda dahil sa
pagwawalang-bahala ng mga manunulat at mambabasang Filipino sa mga akdang
pambata. Nakakalimutan na ng mga tao ang papel na ginagampanan ng kabataan sa
ating lipunan. Nanghihinayang siya sa mga bata na pinagkaitan ng kanilang
kabataan, kung saan sa kanilang murang-edad ay lantad na sa paghahanap-buhay o
pagbabatak ng buto upang makakain lamang ng tatlong beses sa isang araw.
Subalit kahit nagkagayon ay naniniwala pa rin ang may-akda na hindi pa huli ang
lahat para sa ating kabataan. Kung tayo’y magtutulungan lamang at magkakaisa ay
magagampanan natin ang papel natin sa paghubog ng pagkatao ng ating kabataan.
VIII.
Segunda Mano
Estilo:
Ang paraan ng pagsulat ng may-akda
ay nasa anyong paglalarawan. Dito inilarawan niya kung paanong naging tapunan
ang ating bansa ng mga basura mula sa ibang bansa. Gumamit din ang may-akda ng
mga pamagat at mga bahagi ng isang limbag na aklat kung saan nakasulat ang
pinagmulan nito. Higit sa lahat, nasa anyong panunuligsa ang kabuoan ng sanaysay.
Dito tuwiran niyang tinuligsa at binigyan niya ng diin ang baluktot na
pamumuhay o kinagawiang ito ng mga Filipino, kung saan madalas nating ginagawa
ang papasa-pasang paggamit ng isang bagay. Ikuwenento rin ng may-akda ang mga
naging bunga ng maling gawaing ito ng mga Filipino, ang epekto nito sa ating
ekonomiya, palimbagan at pambansang pakikipag-ugnayan. Maalwan din ang pagpapahayag dito ng
may-akda, malaya siyang humihiram at naglalapat ng mga salitang Ingles upang
mas maipahayag ang nilalaman ng kaniyang sanaysay. Inilahad rin sa ilang bahagi
ng sanaysay ang pakikipag-diyalogo ng may-akda sa dati niyang kakilala mula sa
isang tindahan ng segunda manong aklat. Inilahad rin niya ang hangaring maayos
ang bagsak na estado ng pambansang limbagan sa ating bansa.
Tumatak na Linya:
“Sa aking
mapantuklas na kamay, bubuhayin ko ang aklat habang pinalulusog ko ang sariling
aklatan…. Matingkad sa aking kamalayan na may iisang dakilang aklatan sa
daigdig na sumasabog para ibahagi ang mga aklat sa iba’t ibang dako.”
v Mahihinuha sa
pahayag ang matinding bugso ng damdamin ng may-akda ukol sa pagpapahalaga niya
sa mga limbag na aklat na ipinagsawalang-bahala na lamang ng mga may-ari nito. Naniniwala
rin ang may-akda na walang masama sa pagtatangkilik sa mga segunda manong aklat
sapagkat ito ang isa sa mga tulay upang madaling makipag-ugnayan ang mga tao sa
iba’t ibang panig man ng daigdig.
“May buhay ang mga segunda
manong aklat. Muli itong binubuhay ng bagong mambabasa, hindi ng may-akda na
malaon nang pinaslang sa pagpapalimbag ng kaniyang obra. Nabubuhay ang mga
aklat, dumaan man ito sa maraming mga kamay.”
v Ang mga
segunda manong aklat ang nagpapatunay na mayroon tayong pagpapahalaga sa bawat
limbag na aklat. Itinuturing natin ang mga pinaglumaang aklat katulad ng ating
mga kaibigan at kaanak. Sila ay may espesyal na lugar sa ating buhay at
kailanman hindi natin mapapasubalian na naging bahagi ang mga aklat na ito sa
paghubog ng ating kamalayan sa iba’t ibang bagay.
Damdaming Nangingibabaw:
Labis ang panghihinayang ng may-akda
sa mga binalewalang obra (aklat) ng mga segunda manong tindahan ng mga aklat.
Simbolo ang mga segunda manong aklat at kagamitang ito ng kapabayaan at kawalan
ng pagpapahalaga ng mga tao sa gamit na minsan naging katuwang nila at
nagpamukha sa kanila ng maraming bagay. Nilinaw rin ng may-akda na hindi
kasalanan ng mga segunda manong kagamitan kung bakit sila napunta sa ganoong
kalagayan, ang salarin at dapat sisihin sa mga pagbabalewalang ito ay ang mga
taong hindi marunong magpakita ng pagpapahalaga sa kanilang kagamitan.
Nalulungkot man ang may-akda sa hindi magandang kaugalian ng mga tao,
naniniwala pa rin siya na magkakaroon ng panibagong buhay ang mga aklat na
minsan ng kinalimutan ng may-ari nito.
IX.
Kilometro Zero
ng Isang Lagalag na Taong Bahay
Estilo:
Bumuo ang
may-akda ng sarili niyang daigdig kung saan hinubog niya ang buong pagkatao.
Lugar kung saan naging lunan upang maipahayag niya at magkaroon siya ng
kalayaan sa kaniyang sarili. Ibinulalas din ng may-akda ang kaniyang mga
himutok mula sa kaniyang kabataan. Ang pagturing sa kaniya bilang tila utusan
at hindi anak ng kaniyang pamilya. Ikuwenento rin ng may-akda kung paano siya lumayas
sa kanilang tahanan dahil sa poot na nararamdaman sa kaniyang pamilya. Tinawag
rin itong “zero” ng may-akda dahil ito ang magiging simula ng kaniyang buhay.
mula sa wala, kailangan muling bumuo ng mga panibagong alaala. Sa paglalayas na
ito, nakadama ng kalayaan ang may-akda. Naging lunan niya ang mga bagong karanasan
na hindi niya dating nagagamit sa kaniyang pagsusulat. Sa pagkakaalpas ng
may-akda mula sa tanikala na nagkukulong sa kaniyang pagkatao, nagsimula siya
ng panibagong buhay, malaya niya nang naipapahayag ang kaniyang sarili, wala nang
pagbabalat-kayong nadarama ukol sa kaniyang kasarian. Dito nailantad ang
manunulat sa kultura ng mga bakla at panitikan ng mga baklang manunulat.
Binatikos niya ang mga katha ng mga baklang manunulat kung saan, nakatuon
lamang ang mga katha sa mga paksain ukol sa seksuwalidad, pakikipagtalik,
pagdambana sa ari ng lalaki, pagnanasa, erotisismo at iba pa. Inilahad din niya
ang layunin na mabago ang pananaw na ito ng lipunan sa mga bakla. Naniniwala
siyang hindi lamang limitado sa mga paksain na ito ang kakayahan ng mga bakla sa
pagsusulat. Umaasa siya na darating ang panahon na matatanggap at magiging
mulat ang ating lipunan sa malikhaing panitikan ng mga bakla. Nagbigay rin siya
ng mga payo sa mga manunulat, iba’t iba man ang kasarian ukol sa kung paano
gagawing malikhain ang mga katha at makapaglahad ng sariling tinig ng hindi
nagiging limitado sa mga gasgas nang paksain.
Tumatak na Linya:
“Ang tunay na makata, anuman ang paniniwala
at kasarian ay yaong makakaigpaw ang sariling sining sa hamon ng pagkapribado;
ang makalalagda ng sariling tinig hindi lamang ukol sa katawan, pagnanasa,
pag-ibig kundi sa lawak ng maaabot ng katawang nagnanasa at iniibig; ….”
v Naniniwala ang
may-akda na hindi hadlang ang kasarian at paniniwala ng isang tao para
makapaglahad siya at makapaglahad siya ng tinig na iba sa mga gasgas ng
paksaing ginagamit ng mga manunulat. Bilang isang malayang manunulat,
kailangang lawakan niya ang saklaw ng kaniyang pag-iisip at ilahad at talakayin
ang mga paksang ngangayunin at magpapakilala sa kaniya bilang isang makabagong
manunulat.
Damdaming Nagingibabaw:
Inilahad sa kathang ito ang
nagpupuyos na damdamin ng manunulat ukol sa pagkataong matagal na itinago sa
lipunang kinabibilangan. Inilahad ng may-akda ang kaniyang mga himutok sa mga
magulang na pumipigil sa kaniyang makadama ng kalayaan sa sarili partikular sa
aspekto ng kaniyang kasarian. Umusbong sa tinig ng may-akda ang isang bagong
sibol na manunulat. Malaya sa tanikalang humahadlang upang maipahayag niya ang
sariling kathain at paniniwala. Hinimok din niya ang mga baklang manunulat na
maging bukas sa maraming paksain at hindi nagiging limitado sa mga paksain ukol
sa sex, ari ng lalaki, pagnanasa at erotisismo. Nais niyang dumating ang
panahon kung saan, makikita at matatanggap na ng ating lipunan ang panitikan ng
mga bakla bilang isang likhang-sining.
X.
Anatomiya
Estilo:
Isinalaysay ang nilalaman ng kathang
ito sa paunang pagsasalaysay ng may-akda sa gabi ng pagtuklas kasama ang mangingibig.
Dito buong pagmamalaking ibinahagi ng may-akda kung paano nila isinagawa ang
tagpong ito sa kanilang buhay ng may buong pagmamahal at pagpapahalaga. Dito
ikuwenento ng may-akda kung paano sinalat ng kaniyang mangingibig ang bawat
bahagi ng kaniyang katawan at pagtukoy nito sa halaga ng bawat bahagi sa buhay
ng may-akda. Naisalaysay rin ng may-akda ang kaalaman ng kaniyang mangingibig
sa klase sa Anatomiya. Linapatan ng matatalinghagang pananalita ang katha at
ang pag-uugnay nito sa bawat lamang-loob at bahagi ng katawan bilang paglalarawan
sa katawan ng may-akda. Isinalaysay rin ng may-akda ang tila pagtataksil na
nagawa dahil sa pakikipagtalik niya sa kaibigang nakatali na rin sa iba.
Gumamit din ang may-akda ng mga simbolismo upang mailahad niya ng mahusay ang
mensaheng nais ipabatid sa mga mambabasa.
Tumatak na Linya:
“Marahil, may
mahiwagang saplot na hinding-hindi mahuhubad, hinding-hindi matatanggal dahil
hinding-hindi nakikita. Kaya ulitin man namin ang gabing iyon, ulit-ulitin man
naming tukuyin ang ngalan ng mga buto at laman, hindi niya masasalat ang
sariwang galos na kapuwa naming nilikha.”
v Tinukoy ng
may-akda ang “sariwang galos” na ito, bilang pagtataksil sa kanilang
kasintahan. Isang sugat na kailanman ay hindi madaling maghihilom. Sinariwa ng
may-akda ang gabing ito ng pagtangi subalit sa kabila ng hubad at lantad nilang
katawan ay tila mayroon pa rin silang itinatago sa bawat isa.
Damdaming Nangingibabaw:
Isinalaysay sa
kathang ito ang pagtanging nadarama ng may-akda sa kaniyang kaibigan. Subalit
nakadama rin ang may-akda ng pagtataksil sa mga taong nagpakita sa kanila nang
lubos na pagmamahal ngunit nagawa lamang nilang lokohin at saktan. Mababakas sa
kathang ito ang pagsalat ng dalawang nilalang sa init ng pagmamahalan na
mahahanap lamang nila sa katawan ng bawat isa. Isinalaysay rin sa kathang ito
ang pagpapahalagang ipinadarama ng may-akda at ng kaniyang kaibigan
(mangingibig) sa isa’t isa. Muling pinagmunihan ng may-akda ang kaniyang
ginawang pag-aalay ng sarili sa kaniyang mangingibig.
XI.
Nakalagda sa
Katawan
\
Estilo:
Inilahad niya ang sanaysay na ito sa
pamamagitan ng paglalarawan ng may-akda sa kaniyang katawan. Dito ikuwenento
niya kung ano ang kaniyang ginagawa upang makamit ang inaasam na hubog ng
katawan. Dito isinalaysay ng may-akda kung ano ang halaga ng katawan para sa
buhay-pag-ibig. Inilahad din ng may-akda ang kaniyang pakikibakaka sa sakit na
tumama na rin sa kanilang mag-ama.
Tumatak na Linya:
“Kilala ko ang aking katawan at
hindi ako maililigaw nito, nakapiring man akong paikutin nang paulit-ulit sa
umpukan ng palengke at parke, ibahin man ang ruta ng aking dinadayo, ang aking
ginagalugad, ang aking tinutuklas.”
v Tanging tayo
lamang ang nakakaalam ng ating sarili. Alam natin ang bawat likaw ng ating
bituka. Magkaiba-iba man ito ng hugis o anyo, alam natin na hindi nito mababago
ang pagkatao.
Damdaming Nangingibabaw:
Inilahad ng
may-akda ang kaniyang pakikibaka sa diyeta at pagtamo ng magandang kalusugan.
Nahirapan man ang may-akda sa pagtamo ng inaasam na hugis ng katawan dahil sa
‘di mapigil na tukso at kawilihan sa pagkain ay pinilit niya itong ginawa
alang-alang, hindi lamang sa kaniyang sarili kundi maging para sa kaniyang
pamilya. Patuloy na inuusig ang may-akda ng kaniyang nakaraang katawan ngunit
batid niyang kailangan niya na itong kalimutan kung gusto niya pang mabuhay nang
matagal.
XII.
Agaw-Buhay
Estilo:
Nailahad sa kathang ito ang
naging pakikipagsapalaran ng may-akda at ng kaniyang ama sa sakit sa puso.
Nagkakaroon ng transisyon sa paglalahad sa bawat bahagi ng sanaysay
(may-akda-ama-may-akda). Tinuligsa rin niya ang mga pribadong ospital kung
saan, tanging ang mga may-kaya sa buhay lamang ang nais nilang gamutin, maging
mga pambansang pagamutan kung saan ginagawang negosyo ang mga kagamitan na mula
sa kaban ng pamahalaan. Ilinarawan din ng may-akda ang nakakapanlumong estado
ng ating mga pagamutan, hindi lamang ang malalaking ospital kundi maging ang
mga pagamutan sa kanayunan (health centers). Binatikos niya ang bagsak na
kalidad ng serbisyong medikal sa ating bansa.
Tumatak na Linya:
“Agaw-buhay ang estado ng
kalusugan sa bansa. Walang dudang kay raming naniniwala sa mga mirakulo, sa
banal na langis at sa nakapanggagamot na tubig gaya nang isinasadula sa
pelikulang Himala ni Ishmael Bernal.
Ito ang panahong kay raming nagtatapos ng nursing para manilbihan sa mga
ospital sa ating bansa. Ito ang panahong nag-aagaw-buhay ang dignidad ng mga
doktor.”
v Dahil sa bagsak na estado ng
serbisyo medikal sa ating bayan, napipilitan na lamang ang ating kababayan na
magpagamot sa mga alternatibong manggagamot. Kahit alam nilang walang kaseguraduhan
na gagaling sila mula sa mga dahon-dahon na itinatapal sa kanilang mga
nagmamanas ng katawan. Inilarawan din ng may-akda ang panahong ito kung saan
nagaganap ang “Brain Drain,” sa ating bayan. Ang mga dalubhasa sa larang na ito
ay napipilitan na mangibang-bayan dahil na rin sa malaking oportunidad na
ipinangako sa kanila. Nakakalungkot mang isipin ngunit totoo na darating ang
panahon, unti-unting mamatay ang ating bayan dahil sa wala nang mga manggagamot
na gagamot sa linalagnat nating kababayan.
Damdaming Nangingibabaw:
Nalulungkot
ang may-akda dahil kahit malaki ang kinakaltas mula sa kakarampot na sahod ng
ating kababayan para lang mapaganda ang mga impraestraktura at magkaroon ng
de-kalidad na edukasyon sa ating bayan ay hindi pa rin ito mabatid. Dahil sa
mga simpleng pagamutan pa lamang kung saan, isa sa pinakapangangailangan ng
ating kababayan ay hindi na mabigyan ng pamahalaan ng magandang serbisyo ang
mga hikahos nating kababayan. Sa halip na makagaan ay mas lalo pa itong
bumabaon sa mahihirap dahil sa mahal na gastusin sa ating mga pambansang
pagamutan. Nangangamba rin ang may-akda na darating ang panahon kung saan
unti-unti na lamang mangangamatay ang ating mahihirap na kababayan dahil sa
hindi kaaya-ayang kapaligiran sa loob ng mga pambansang pagamutan at kawalan ng
mahuhusay na nars at doktor sa ating mga pambansang ospital.
XIII.
Sa Bayan ng Mga Boksingero
Estilo:
Isinalaysay sa akdang ito ang
impluwesya ni Manny Pacquiao at Fernando Poe Jr. sa buhay ng ating kababayan.
Ikuwenento ng may-akda kung paano naging isang “icon” si Manny at FPJ sa
pagsulong ng katahimikan at pagkakaisa. At ang paglalahad ng may-akda sa epekto
ni Pacquiao tuwing magkakaroon siya ng sagupaan sa ibang bansa. Iniuugnay ng
may-akda ang mga panitikan sa ating bayan at sa paglalarawan ng mga makabagong
panitikan tulad ni Pacquiao sa isang makabagong epiko.
Tumatak na Linya:
“Ang pakikipagtunggali ng boksingero
ay pakikipagtunggali ng lipunan sa mga yugto ng kasaysayan. Agimat sa
naglulupasay na mithiin ang bawat mistikal na suntok. Ang bansa at ang
boksingero ay nagiging isa. Pambansang trahedya ang pagkatalo at pandaraya
ngunit nagiging alamat ang isang pagbangon.”
v Ilinarawan sa
pahayag na ito kung gaano kalaki ang impluwensiya ni Manny Pacquiao sa buhay ng
bawat Filipino. Ilinalarawan din kung paano itinuring si Pacquiao bilang isang
idolo at bayani ng mga Filipino.
Damdaming Nangingibabaw:
Ilinarawan dito ng may-akda ang
impluwensiya ni Manny Pacquiao at FPJ sa bawat mamamayang Filipino. Isinalaysay
rin dito kung paano ipinagmamalaki at naging inspirasyon sa mga Filipino, si
Pacquiao sa bawat laban at pagkapanalo nito sa ibang bansa. Naging simbolo na
si Pacquiao sa pagsusulong ng katahimikan at pagkakaisa sa ating mga Filipino.
XIV.
Mula sa Isang Hindi Naging Pinaka
Estilo:
Ito ang naging talumpati ng may-akda
para sa mga mag-aaral na magsisipagtapos mula sa minamahal na paaralan. Dito
nagsaad siya ng kaniyang mga saloobin mula pagkabata at sa kaniyang mga naging
karanasan sa paaralang iyon. Naglahad din siya ng mga payo at suhestiyon sa mga
mag-aral kung paano haharapin ang buhay ng taas noo at may pagpupunyagi.
Gumamit din siya ng mga simbolismo sa paglalahad niya ng nilalaman ng kaniyang
talumpati.
Tumatak na Linya:
“Hindi lahat
ng inaasahan ay matutupad, hindi lahat ng ng inambisyon ay magagawa. Hindi ka
laging mananalo. Masasaktan ka at mabibigo. Baka maghintay ka nang matagal bago
muling manalo. Pero huwag kang umurong. Nagwawagi ang mga hindi sumusuko.”
v Ang bawat tao
ay may kani-kaniyang pangarap na nais matupad. Ngunit alalahanin natin na hindi
lahat ng ito ay maisasakatuparan sa isang kisapmata lamang. Kailangang magsikap
at huwag mawalan ng pag-asa na balang-araw ang mga pangarap na ito ay makakamit
natin. Ang taong sumusuko ay laging talo sa bandang huli ngunit ang taong
marunong manindigan, masaktan man ay matatamasa pa rin ang pagkapanalo sa dulo
ng daan.
Damdaming Nangingibabaw:
Ipinakita rito ng may-akda ang kaniyang
pagpupunyagi sa buhay. Kahit hindi man siya itinuring na hindi pinaka ay hindi
ito naging dahilan upang siya’y magsumikap sa buhay at maabot ang kaniyang mga
pangarap. Ipinagmamalaki ng may-akda ang lahat ng bagay na kaniyang natamo,
maliit man ito o malaki, simple man ito o magarbo. Masaya ang may-akda sa mga
pangarap na kaniyang natamo at hangad din niya na maranasan ito ng mga mag-aaral.
XV.
Sampung Bagay
na Hindi Sasabihin sa Iyo ng Isang Guro
Estilo:
Sa
sanaysay na ito inilahad ng may-akda ang kaniyang mga pabatid at paumanhin sa
mga mag-aaral. Ikuwenento niya ang mga hinahangad ng isang guro para sa
kaniyang mga mag-aaral. Isa itong pagsisiwalat ng mga hinaing lihim at
kasiyahan ng may-akda sa larang ng pagtuturo. Dito ipinahiwatig ng may-akda sa
mga mag-aaral kung ano ang mga bagay na magpapasaya sa isang guro. Magaan at
personal ang pagpapahayag ng may-akda sa bawat kaisipang kaniyang ilinalahad sa
sanaysay na ito.
Tumatak na Linya:
“Paminsan-minsan, nai-insecure kami sa mga estudyanteng
humahamon sa aming galing at kakayahan; sa mga estudyanteng trip lang alamin
kung may alam ba talaga ang guro o nambobola lang. Kailangan naming tanggapin
ito: Balang–araw, malalagpasan, mahihigtan kami ng mga estudyante.”
v Hindi maipaliwanag
ang kasiyahan na mararamdaman ng isang guro tuwing makikita niya ang kaniyang
mga mag-aaral na nahigtan na ang kaniyang mga natamo. Masaya ang isang guro
kung alam niyang may mga bagong natutuhan ang kaniyang mga mag-aaral, hindi
lamang sa kaniyang pagtuturo. Alalahanin na walang doktor, inhinyero, nars,
manager at iba pa, kung walang guro na magtuturo sa kanila. Ang pagtuturo ay
hindi isang madaling bokasyon kaya sana magpakita ang mga mag-aaral ng interes
at pagmamahal sa pag-aaral dahil hindi nila batid ang mga gabing nagpupuyat ang
mga guro sa paggawa ng mga kinakailangan para lamang mabigyan sila ng isang inter-aktibong
klase kinabukasan. Kaya sa mga bayani ng karunungan, isang pagsasaludo!
Damdaming Nangingibabaw:
Inilahad dito
ng may-akda ang pagmamahal niya sa larang ng pagtuturo. Humingi rin siya ng
paumanhin sa mga mag-aaral kung minsan hindi nito nagagampanan ang lahat ng
kaniyang ipinangako. Nais ipabatid ng may-akda na ang pagtuturo ay hindi
madaling bokasyon subalit lubos ang kasiyahan na mararamdaman lalo na kung
makikita niya ang mga dating mag-aaral na nagtagumpay na sa iba’t ibang larang
na kanilang pinili. Halo-halo ang damdaming ipinakita sa kabuoan ng sanaysay na
ito, may masaya, malungkot, humihingi ng paumanhin. ‘Ika nga’y hindi
maipaliwanag ang nararamdaman ng may-akda.
XVI.
Tala ng Buhay
Estilo:
Inilahad sa paraang pananalinghaga
at paggamit ng mga simbolismo ang nilalaman ng akda. Nasa anyong patula rin ang
pagkakasulat ng akdang ito.
Tumatak na Linya:
“Sapagkat lagi
tayong humahakbang kahit may binabalikan at ang pagbabalik ay naghahatid ng
kaluwalhatian.”
v Sumasaya tayo
tuwing magugunita sa ating isipan ang mga alaala ng nakaraan. Ang mga magandang
alaala ay hindi kailanman kumukupas sa pagdaan ng panahon.
Damdaming Nangingibabaw:
Paggunita ito ng mga simulain sa
buhay ng may-akda. Paglalarawan niya sa buhay, sa masasaya at mapapait na
alaala na naranasan at pagharap sa mga hamon sa kaniyang kinakaharap at
kakaharapin.
Mga Tip ng Isang Mahusay na Pagsusulat
Q Muling balikan
ang mga alaala ng nakalipas. Dito tayo huhugot ng ating mga kaisipan na ating
ilalahad sa akda. Sa pagsulat, walang
makakatalos sa karanasan bilang saligan ng nilalaman ng gagawing katha subalit
hindi maganda na lahat na lamang ng ating isusulat ay mula sa ating karanasan.
Magdudulot na ito ng pagkawala ng sariling pananalinghaga at pagkamalikhain.
Q Paggamit ng
mga simbolismo o larawang-diwa upang hindi lamang ipinid ang tunay na
pagkakakilanlan ng may-akda kundi maipahayag ng may kalinawan ng may-akda ang
nais niyang maipaabot sa mga mambabasa.
Q Ang pagsulat
ay isang bersiyon ng archives ng
manunulat. Dito niya ilinalagak ang mga piraso ng kanilang kasaysayan na maaari
nilang balik-balikan.
Q Hanapin ang
sariling balon ng pagkatha, dito tayo sasalok ng ating sariling pamamaraan at
estratehiya sa pagsusulat. Ang balon na ito ang magpapaiba sa atin sa iba pang
mga manunulat.
Q Bawat isa sa
mga manunulat ay nakatuntong sa isang lawas na may latag ng sariwang tubig sa
pinakailalim. Nasa kaniya ang paraan kung paano ito tutuklasin, huhukayin at
padadaluyin upang umagos sa lambak na maaaring paglinangan ng mga binhi
hanggang sa lumago at magkabunga.
Q Lumikha ng mga
talaan ng salita na maaaring magamit sa pagkatha dahil ang naturang salita ay kakaiba,
maganda ang tunog at nakakabighani sa mambabasa.
Q Nalalaman sa
pagsusulat ang paglikha sa daigdig na hindi pa napupuntahan. Ehersisyo ito sa
kapangyarihan ng imahinasyon. Sabi nga, ang manunulat ay may malikot na
paghihiraya.
Q Bigyan ng
tinig ang hindi nakaiimik at itala ang kasaysayan ng mga nakalimot at hindi
nakapagtatala.
Q Iwasan ang
pagiging “mensaherong manunulat” o tagaulit ng mga katha ng mga naunang
manunulat.
Q Magkaroon ng
sariling tinig at ilahad ang kaisipan ng may kalayaan, walang tanikalang
pumipigil sa diwa ng pagkatha.
Isang Award
Winning na Sanaysay
Hindi
na mabilang ang natanggap na pagkilala ng sanaysay na ito sa larang ng pagkatha
ng mga sanaysay. Ilan nga sa pagkilalang natanggap ng sanaysay na ito ay mula
sa isa sa pinakakilala at pinakapinagpipitagang programa ng paggawad sa mga
likhang sining, ang “Carlos Palanca Memorial Awards.” Ang pagkilalang ito ang
pinakamataas na pagkilala at parangal na maaaring matanggap ng isang manunulat
at katha sa larang ng pagsulat.
Mababakas
na walang tulak-kabigin ang sanaysay na ito. Tunay ngang isa itong Obra
Maestra. Narito ang ilan sa mga pamantayan kung bakit ko nasabing isa itong
obra maestra. Una, personal ang sanaysay na ito. Mababakas na tila
nakikipag-usap ang may-akda sa kaniyang mga mambabasa. Mahalaga para sa mga
akda na maipaabot sa mga mamababasa ang kaisipan ng may-akda sa paraang maalwan
at hindi gaanong seryo. Pangalawa, mula ito sa balon ng karanasan ng may-akda.
Hindi kababakasan ng kaliluhan ang mga sanaysay. Ayon nga sa una ko nang
isinaad sa itaas, walang tatalos sa bisa ng karanasan bilang saligan sa
pagkatha. Walang konsepto na gawa-gawa lamang ng may-akda. Lahat ng sanaysay ay
mula sa karanasan ng may-akda na naging lunan ng may-akda upang makabuo ng
isang kalipunan kung saan malaya niyang maipapahayag ang kaniyang kaisipan ng
nalalapatan niya ng pananalinghaga at pagkamalikhain. Pangatlo, hindi lamang
naglalahad ang may-akda ng kaniyang mga naging karanasan kundi maging
naglalahad din siya ng mga kaisipan at payo na makatutulong sa iba pang
manunulat man o hindi manunulat.
Pang-apat, naglalayon itong imulat ang iba pang manunulat sa iba pang
aspekto sa larang ng pagsusulat. Nais ng may-akda na hindi maging limitado ang
mga manunulat sa aspekto ng pagkatha o pag-iisip ng mga paksang pag-uusapan.
Pang-apat, layunin nitong imulat ang mga manunulat at mambabasa sa kamalayang
panlipunan. Isa sa pangunahing tunguhin ng mga katha tulad ng sanaysay ay
imulat ang mga tao sa pangyayari at mga pagbabagong nagaganap sa ating lipunan.
Hindi na dapat nagiging bulag ang mga manunulat at mambabasa sa mga aspekto o
paksain na nilang bigyang-tuon. Panlima, ang kaniyang mga katha ay nakalilinang
ng diwa, nakakapagpaiyak sa mga mambabasa, nakakapagpatawa at inspirasyon at ng
pagninilay. Iba-iba man ang persona na
ginamit niya sa mga sanaysay na kaniyang likha ay batid pa ring isa sa layunin
nito ay makapaghatid ng malawak na kaisipan sa mga mambabasa. Pang-anim,
simple, kumbensiyonal at ngangayunin ang mga paksang pinag-uusapan. Kahit
magdaan man ang mahabang panahon, hindi kailanman maluluma ang mga paksang
pinag-uusapan sa mga katha ng may-akda. Naiuugnay ng mambabasa ang karanasan ng
may-akda sa kaniyang sariling karanasan. Kaya mas nahihimok tayong magbasa at
napapalapit tayo sa bawat pahayag.
Hindi
maipagkakaila na karapat-dapat nga naman talagang gawaran ng pinakamataas na
pagkilala sa larang ng pagsusulat ang mga likhang ito ni Eugene Evasco. Hindi
lamang nito layuning magbulalas ng kaniyang personal na karanasan kundi maging
maiugnay ang kaniyang mga naging karanasan sa buhay ng kaniyang mga mambabasa.
Kakikitaan ng koneksiyon kumbaga ang mga sanaysay na ito ng may-akda sa buhay
ng kaniyang mambabasa at sa iba pang manunulat.
Karimlan sa
Pagkatha
Hindi lahat ng katha ay maituturing
na perpekto o walang kahinaan. Kung ang pinakamatapang na tao ay may kahinaan
din, ano pa kaya ang isang sanaysay. Sa kalipunan ng sanaysay na ito ni Eugene
Evasco. Mababatid ang ilang kahinaan sa pangkalahatang pagsusuri na aking
ginawa sa akda. Una, paglalahad ng may-akda ng dapat sanang isang lihim o hindi
na kailangan ilimbag sa aklat, lalo na sa aspektong seksuwal. Hindi maganda sa
isang mananaysay na ilinalarawan ang kaniyang mga karanasan sa
pakikipagtalalik. Ang aspektong ito ay dapat maging pribado, hindi lamang sa
manunulat kundi maging sa lahat ng tao. Pangalawa, ang labis na paggamit o
paglalapat ng mga personal na karanasan sa paglalahad. Wala namang masama sa
paggamit ng mga personal na karanasan dahil isa kung iisipin isa ito sa
nagbibigay-kulay sa malikhaing katha. Subalit, ang sobrang paglalapat ng mga
personal na karanasan lalo na iyong malayo na o wala nang kaugnayan sa
pinag-uusapan ay nakakapagpagulo lamang sa kabuoan ng katha. At panghuli, ang
paggamit ng may-akda ng mga abstraktong kaisipan sa kaniyang mga sanaysay.
Mababakas ito sa mga di-tuwirang pahayag na mababatid sa ilang bahagi ng
sanaysay. Mas mainam kung tuwiran at malinaw na ipinahahayag ng may-akda ang
lahat ng kaisipan upang hindi ito magdulot ng kagitlahanan sa mga mambabasa.
Ang mga mamababasa ay naglalaan ng oras sa mga ganitong uri ng babasahin upang
magkaroon ng libangan o magpalipas-oras at hindi nila layuning suriing mabuti ang
bawat abstraktong kaisipan dahil kakainin lamang nito ang kanilang oras at
panahon.
Hindi na maiiwasan na magkaroon ng
kaunting kahinaan sa kabuoan ng sanaysay. ‘Ika nga ng isang banyagang
manunulat, “One of the things that draws writer to writing is that they can get
things right that they got wrong in real life.” Sa pamamagitan ng pagsusulat,
malayang naipahayag ng may-akda ang kaniyang saloobin ng walang pagkimi o
tanikalang pumipigil sa kaniya na ilahad ang kaniyang kaisipan. Ito rin ang
nagiging lunan o daluyan ng pagpapahayag ng may-akda ng kaniyang mga saloobin.
Ako at Ang Pagsulat
“A
professional writer is an amateur who didn’t quit – Richard Bach.” Ang isang
mahusay na manunulat ay kailangan munang magsimula sa pinakadulo. Mula sa
pagsulat ng mga simbolo hanggang sa makasulat na siya ng isang pahayag na may
buong diwa. At ang isang mahusay na manunulat ay hindi kailanman tumitigil at
sumusuko sa pagsulat. Ang pagsusulat para sa mga batikang manunulat ay
karugtong na ng kanilang buhay, hindi na ito maihihiwalay sa kanilang pagkatao.
Ganito ko rin ilarawan ang sarili ko
sa larang ng pagsusulat. Hindi ko masasabing ako’y bihasa na sa pagsusulat.
Marahil, oo ngunit iyong mga akademiko lamang at hindi papantay sa mga
malikhaing katha tulad ng iba pang manunulat. Ngunit, ginagawa ko ang lahat ng
aking makakaya, ako’y patuloy na nagsasanay at nililinang ang aking
talasalitaan upang pagdating ng panahon, makilala rin ako tulad ng may-akda na
isang mahusay na manunulat. Naniniwala rin ako sa isinaad ng may-akda sa isa sa
kaniyang mga sanaysay na kung mayroon kang bukal ng karanasan at kaisipan ay
malaya kang makagagawa at makapagsusulat ng anumang bagay o paksain na sumagi
sa iyong isipan. Ang mga karanasan at maunlad na pag-iisip ang magtutulak sa
akin upang mailahad ng mabuti ang aking mga hinaing o saloobin. Naniniwala rin
ako na hindi pa huli ang lahat para sa aking buhay sa pagsusulat. Ito ay simula
pa lamang ng aking pakikipagsapalaran sa larang ng sariling pagkatha.
Buod
Pilat sa Pilak
Naging abala ang buong pamilya sa
pagpaplano ng ika-25 anibersaryo ng pagtitipan ng kaniyang mga magulang. Labis
ang kanilang paghahanda sa nalalapit na okasyon. Dahil dito, hindi naiwasan ng
may-akda ang maalala ang mga mapapait na sandali sa kaniyang buhay kung saan
hindi niya man lamang naranasan ang mga ganitong paghahanda kahit sa mga
espesyal na okasyon. Binalikan ng may-akda ang naging buhay ng kanilang pamilya
mula sa nuno ng kaniyang mga magulang hanggang sa makabuo sila ng pamilya. Naglahad ang may-akda ng kaniyang mga himutok
dahil sa mga mapapait na karanasan at mga bagay na ipinagkait mula sa kaniyang
pagkabata. Gayunpaman, pinipilit ng may-akda na hilumin ang bawat sugat na
idinulot ng mga ganitong pangyayari.
Dalaw
Sa paglipat sa
bagong tahanan sa bayan ng Antipolo, hindi maiwasan ng may-akda na magunita ang
buhay na kinagisnan sa masisikip na kalye, maiingay, at maduming kapaligiran sa
Maynila. Hindi naging madali sa may-akda ang kalimutan ang mga kinamulatan
niya. Nahirapan siyang mag-adjust sa
bagong buhay sa Antipolo. Tila rin isa siyang turista sa bagong tahanang ito
sapagkat nagkaroon ng malaking pagbabago sa kanilang buhay. Naninibago siya sa
mga pangyayari, tanawin at mga bagay sa kaniyang paligid na malayo sa
kinagisnang pamumuhay sa Maynila. Sa kabila ng mga pagbabagong ito, pinipilit
pa rin ng may-akda na maging normal ang kaniyang pamumuhay kahit malayo na ito
sa buhay na kaniyang kinagisnan.
Ang Pagtatapon ng mga Kasangkapan
Isa-isang nasisira ang mga
kasangkapan sa tahanan ng may-akda, dahil dito naisipan niya na itapon na lamang
ang mga kasangkapang ito subalit pinigilan siya ng kaniyang mga magulang.
Itinanong niya sa kaniyang sarili kung bakit mahirap para sa kaniyang mga
magulang ang magtapon ng mga kasangkapan, gayong wala na naman itong halaga o
hindi na ito magagamit kailanman. Nabatid niya na mahirap para sa mga tao tulad
ng kaniyang mga magulang na magtapon ng isang bagay na may sentimental na
pagpapahalaga sa mga kagamitang ito. Ang taong mayroong sentimental na
pagpapahalaga sa mga bagay hanggat sa kaya pa itong maayos ay hindi niya ito
itatapon. Kung wala na talagang pag-asa ay itatambak na lamang ito sa isang
sulok. Doon lamang napagtanto ng may-akda na lubos na mahalaga ang mga
kasangkapang ito sa kaniyang mga magulang. Marahil sa mga kagamitang ito
nagsimula ang kanilang maunlad na pamumuhay.
Mga Selyo at Libro
Ikuwenento ng
may-akda ang isa sa kaniyang mga kinahiligan mula pa noong kaniyang kabataan.
Ang pangongolekta ng selyo mula sa magulang, kaibigan, tanggapan, at ibang
bansa. Inilahad niya ang paraan ng pag-alis ng bawat selyo mula sa pagkakadikit
nito sa sobre ng hindi napupunit at nasisira ang anyo nito. Mula din sa mga
selyong ito nabatid ng may-akda ang ganda ng likhang-sining mula sa iba’t ibang
panig ng mundo. Ang kanilang paraan ng paglalarawan at pagmamalaki sa kanilang
bansa sa pamamagitan ng paglapat nito sa kanilang mga selyo. Binigyan-diin din
ng may-akda ang kawalan ng interes ng mga Filipino sa ating mga likhang-sining,
likas na yaman dahil hindi nila ito maipagmalaki sa simpleng pamamaraan tulad
ng paglapat nito sa mga selyo na mula sa ating bansa. Inilahad din ng may-akda,
ang unti-unting pagkawala niya sa pagkarahuyo sa kinahiligang ito, dahil na rin
sa udyok at pagpigil ng kaniyang mga magulang.
Pagsalok sa Antigong Balon
Mahalaga para
sa isang manunulat na magkaroon siya ng isang bukal ng kaalaman at katatasan
ukol sa kaniyang isinusulat na paksa. Dahil dito malaya niyang naipapahayahag
ang mensahe na nais niyang ipabatid sa mga mambabasa. Isa ito sa mga naging
suliranin sa pagsusulat ng may-akda. Lantad man siya sa wikang Tagalog, ay alam
niyang hindi iyon tunay na Tagalog, kundi isang wikang bulanglang na isinalang
sa Lungsod. Batid niyang mayroong kulang sa kaniya bilang isang manunulat, ang
wika, kultura at pamumuhay na tanging mailalarawan at nagagamit lamang ng mga
manunulat na kabilang sa isang pamayanang rural. Ginamit niyang simbolo ang
isang “balon,” bilang pinagkukunan ng lahat ng pangangailangan ng isang
manunulat upang maisulat niya at mabigyang-katuturan ang isang katha. Bilang
isang manunulat, patuloy na naghahanap ang may-akda kung saang lunan nga ba
siya kabilang. Patuloy siyang naghahanap ng isang balon na kahit dumaan man ang
pinakamalalang tagtuyot, ay hindi ito mauubusan ng tubig.
Ang Pagtula sa mga Bulaklak
Unang natutuhan ng may-akda ang
konsepto ng pagkamalikhain noong nasa kolehiyo pa lamang siya. Subalit, linukob
ang konseptong ito ng sariling pagkakakilanlan, ng turuan silang magsulat batay
sa mga akda ng mga manunulat noon. Nakulong ang mga manunulat sa isang bartolina kung saan hindi nila magawang
makawala at magkaroon ng sariling tinig sa pagsusulat. Naglahad ang may-akda ng
maraming paraan at situwasyon, kung paano magiging malikhain sa paggawa ng
isang sulatin. Mahalaga para sa may-akda na magkaroon ang isang manunulat ng
sapat na kaalaman at kabatiran sa paksang bibigyan niya ng pansin. Nais niyang
mamulat ang mga katulad niyang manunulat sa marami pang paksaing kailangang
bigyang-tuon sa ating lipunan bukod sa mga paulit-ulit na paksang pinag-uusapan
sa mga isinulat ng mga makalumang manunulat. Panahon na upang mangibabaw ang
kritikal at malikhaing pag-iisip ng mga manunulat. Binigyan niya rin niya ng
pansin ang mga bagay na naglalarawan ng ating kasaysayan, na unti-unti nang
nababaon sa limot at nawawalan ng pagpapahalaga.
Mga Saranggola sa Tag-ulan: Isang Pagkatha sa
Pagkabata
Mahalaga para sa may-akda ang mga
kabataan. Isa ito sa ika niyang forte
sa mga paksang gustong-gusto niyang pinag-uusapan sa kaniyang pagsusulat. Kaya
lubos siyang nanghihinayang sa unti-unting paglaho ng mga akdang pambata at
pagpapalit ng mga aklat pangakademya sa pagtuturo ng pagbasa sa mga kabataan.
Sa halip na imulat ang mga kabataan sa pagpapabasa ng mga aklat pambata tulad
ng Aesop fables, kuwento ni Juan Tamad, Tom Sawyer at iba pa. ay pinag-aaralan
na nila ang Matematika, Agham at Sibika
sa mura nilang edad. Muli ring inalala ng manunulat ang kaniyang naging
kabataan, ang mga pait at kalupitan na kaniyang naranasan. Ang pagbuo niya ng isang arketipo ng sarili
sa kaniyang imahenasyon upang maranasan ang mga bagay na ipinagkait noong
kaniyang kamusmusan. Tinuligsa rin ng may-akda ang mga kapuwa manunulat ng mga
akdang pambata na nagwawalang-bahala sa paglikha ng mga akda na naaayon sa
pangangailangan ng mga kabataan. Hindi nawawalan ng pag-asa ang may-akda at
hinahangad niyang muling manunumbalik ang sigla ng mga akdang pambata sa ating
bayan.
Segunda Mano
Tinalakay sa kathang ito ang
paglalarawan ng ating bansa bilang tapunan o bagsakan ng basura mula sa iba’t
ibang panig ng daigdig. Ang mga basurang ito na itinuring ng walang-silbi sa
ibang bayan ay kakikitaan pa rin natin ng halaga. Isinalaysay ng may-akda ang
kaniyang naging karanasan ukol sa mga pagtangkilik ng mga segunda manong
kagamitan tulad ng mga aklat na mula pa sa ibang panig ng daigdig. Binatikos ng
may-akda ang mga Filipino na tumatangkilik sa mga segunda manong aklat, lalo na
iyong mga taong hindi man lamang sinusuri kung tama o mali ang nilalaman ng
aklat na kanilang binasa. Ikuwenento rin ng may-akda ang kawalang pagpapahalaga
ng mga tao sa mga limbag na katha, pagsasantabi at pagtatapon nito pagkatapos
itong magamit. Nilinaw rin ng may-akda na hindi kasalanan ng mga segunda manong
kagamitan kung bakit sila napunta sa ganoong kalagayan, ang salarin at dapat
sisihin sa mga pagbabalewalang ito ay ang mga taong hindi marunong magpakita ng
pagpapahalaga sa kanilang kagamitan. Hangad din niya na darating ang panahon
kung saan ang mga segunda manong aklat ay magkakaroon muli ng kulay at halaga
sa mga mambabasa tulad ng mga aklat na bagong limbag pa lamang.
Kilometro Zero
ng Isang Lagalag na Taong Bahay
Isinalayay
dito ng may-akda ang pinagmulan niya bilang isang makata, manunulat, at tao.
Imunulat niya ang lipunan sa panitikang likha ng mga bakla. Ikuwenento niya ang
pagtatago ng tunay na katauhan na kaniyang ilinilihim mula pa pagkabata,
hanggang sa pagdating ng panahon kung saan nadama niyang malaya na niyang nang
maipapahayag ang kaniyang sarili. Isinalaysay niya rin kung paano nakatulong
ang paglalayas at paglalagalag upang maging isang bagong sibol na manunulat.
Ito ay tinawag ding “zero”, dahil ito ang pagsisimula, ika nga’y “starting
point” ng buhay ng may-akda bilang isang makabagong manunulat. Sa tulong din ng kaniyang mga bagong
karanasan ay namulat siya sa maraming aspekto at paksain sa buhay. Naging lunan
ang mga karanasang ito upang makabuo siya ng mga malikhaing katha na nauukol sa
impluwensya, politika at poetika ng kaniyang panulaan. Nagbigay rin siya ng mga
payo sa kaniyang kapuwa manunulat ukol sa pagbuo ng isang malikhaing katha na
angkop sa sariling tinig at niloloob ng tao.
Anatomiya
Nagbalik-tanaw ang may-akda sa isang
tagpo sa buhay ng dalawang taong nag-iibigan: ang gabi ng pagtangi. Dito
isinalaysay ng may-akda ang panahon kung saan nakadama siya ng tawag ng laman,
tukso at kapanabikan sa pakikipagtalik. Muli niyang sinariwa ang alaala kung
saan inialay niya ang kaniyang katawan sa kaniyang mangingibig. Sa karanasan
din ng kaibigan ng may-akda sa Anatomiya, iniugnay niya ang oras na iyon sa
isang ekspirementong ginagawa ng mga mag-aaral sa anatomiya kung saan
hinihimay-himay nila ang bawat bahagi ng katawan ng tao. Sa pananalinghaga rin
inugnay ng may-akda ang mga bahagi ng kaniyang katawan sa halaga nito sa
kaniyang pagkatao at kaanyuan. Sa gabing iyon, batid ng may-akda na kahit
lantad ang buo nilang katawan ay tila may lihim pa ring itinatago ang bawat isa
sa kanila.
Nakalagda sa Katawan
Isinalaysay sa
sanaysay na ito ang pakikibaka ng may-akda sa pagtamo ng magandang hugis ng
katawan at pagkakaroon ng magandang ayos ng kalusugan. Inilahad din niya ang
pangangailangan ng magandang hugis ng katawan sa pagkakaroon ng pag-ibig. Ikuwenenento
rin niya ang mga salik na nagtulak sa kaniya upang magpapayat. Inilahad niya
ang mga proseso at paraan na kaniyang dinaanan at isinagawa upang makamit ang
inaasam na hubog ng katawan. At inilahad ng may-akda na kahit mayroon na siyang
bagong katawan, patuloy pa rin siyang inuusig ng kaniyang nakaraang sarili.
Naisin niya mang balikan ang nakaraang katawan ay hindi na maaari dahil ito’y
magdudulot lamang ng kasamaan sa kaniyang kalusugan.
Agaw-Buhay
Isinalaysay sa akdang ito ang bagsak
na estado pagdating sa serbisyo at kagamitan ng ating mga pambansang pagamutan.
Ilinalarawan din ang mga napabayaang pagamutan sa mga liblib na kanayunan, kung
saan kulang-kulang ang kagamitan, walang sapat na gamot at doktor. Tiyak na
patay na ang maysakit nating kababayan, hindi pa siya nalalapatan ng lunas.
Nakakaawa na ginagamit pa ng mga kinatawan ng pamahalaan at ng ilang
manggagamot ang mga kagamitan sa Ospital upang mapagkakitaan. Sa hirap na
dinanas ng may-akda at ng kaniyang ama mula sa pakikipagbuno sa sakit sa puso,
ganoon na lamang ang kaniyang panlulumo sa kaniyang mga nakita at naranasan sa
mga pagamutan sa ating bayan. Isinalaysay rin niya ang kawalan ng mga dalubhasa
tulad ng nars at doktor sa ating bayan, dahil sa kawalan ng magandang oportunidad
na makikita naman sa ibang bansa.
Sinisimbolo rin ang mga pambansang pagamutan ang paraan ng pamamalakad
ng ating gobyerno. Hangad ng may-akda na darating ang panahon, na hindi na
magsisiksikan ang mga dukha sa isang silid ng mga pampublikong paggamutan,
hindi na hihintayin ang oras ng paghihingalo bago pa man malapatan ng kaukulang
lunas ang ating mga kababayan.
Sa Bayan ng Mga Boksingero
Isinalaysay sa akdang ito ang
imluwensiya ni Manny Pacquiao at FPJ sa buhay ng bawat Filipino. Si Pacquiao
bilang simbolo ng pagsusulong ng pagkakaisa at katahimikan sa ating bayan.
Iniugnay ng may-akda ang impluwensiya ni Pacquiao sa mga pagbabago sa ating
panitikan. Isinalaysay din dito kung paano nagsisilbing inspirasyon sa mga
Filipino ang bawat laban at pagkapanalo ni Manny Pacquiao.
Mula sa Isang Hindi Naging Pinaka
Ito ang naging
talumpati ng may-akda para sa mga mag-aaral na magsisipagtapos mula sa
pinagmulang paaralan. Dito inilahad ng may-akda ang mga payo kung paano
mapagtatagumpayan ng mga kabataan ang mga pagsubok na kinakaharap sa buhay ng
taas noo at may pagpupunyagi. Hinimok rin niya ang mga mag-aaral na ipagmalaki
ang mga karangalan na kanilang natamo, maliit man ito o malaki. Nilinaw rin
niya na hindi sukatan ang mga parangal at pagkilala upang maging matagumpay sa
buhay kundi nasa pagsisikap ito ng bawat tao. Ipinaalala rin niya sa mga
mag-aaral na kailangang makipagsapalaran sa buhay, hindi lamang ang pagsusubsob
sa sarili sa mga pangakademikong gawain. Ang karanasan ay hindi mapapantayan ng
karunungan kailanman.
Sampung Bagay na Hindi Sasabihin sa Iyo ng Isang
Guro
Inilahad sa sanaysay na ito ang mga
pabatid at paumanhin ng isang guro sa kaniyang mga mag-aaral. Sa sampung
kaisipan, nais ng gurong maunawaan siya ng mga mag-aaral kung minsan hindi
lahat ng kaniyang ipinangako ay naisasakatuparan. Dito ipinahiwatig ng may-akda
sa mga mag-aaral kung ano ang mga bagay na magpapasaya sa isang guro. Nais ng
may-akda na mabatid ng mga mag-aaral ang mga sakripisyo at pagsusumikap na
ginagawa ng kanilang guro, mabigyan lang sila ng maganda at de-kalidad na edukasyon.
Isa itong kalipunan ng mga daing, saya o galak na nararamdaman ng isang guro sa
larang ng pagtuturo.
Hindi man naging madali ang ginugol
kong panahon sa pagsusuring ito ay ayos lamang para sa akin. Dahil naramdaman
ko ang iba’t ibang emosyon sa aking pagbabasa at pagnanamnam ng nilalaman ng
bawat sanaysay. Hindi lamang umunlad ang aking kasanayan sa pagsusuri kundi
maging ang aking kaalaman hinggil sa mga isyung binigyang-tuon ng may-akda.
Marami akong natutuhang payo upang maging isang mabisa at mabuting tao, anak,
kapatid, kaibigan at guro sa pagdating ng panahon. Hindi ko makakalimutan ang
aking naging karanasan sa pagbabasa ng bawat sanaysay, mula sa pagbabasa ko sa
Bus mula Baao hanggang Naga habang ako’y nakahiga sa aking Kama, Sa silid-aklatan
at marami pang iba. Nawa’y pagdating ng panahon maging tulad rin ako ng Eugene
Evasco na isang mahusay na manunulat at guro.
“Every secret of a writer’s soul, every experience
of his life, every quality of his mind is written large in his works. –
Virginia Woolf”